Marcos sa alegasyon ng kapatid: ‘The lady you see on TV is not my sister’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-24 17:02:46
MANILA — Sa kauna-unahang pagkakataon, diretsong sinagot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga alegasyon ng kanyang kapatid na si Senadora Imee Marcos na gumagamit umano ng ilegal na droga ang Pangulo at ang First Family — pahayag na agad niyang tinawag na “hindi siya iyon.”
Sa press briefing sa Palasyo, tinanong ang Pangulo kung ano ang tugon niya sa mabibigat na paratang ng sariling kapatid. Kapansin-pansing maingat ngunit matatag ang sagot ni Marcos:
“It’s anathema to me to talk about family matters in public. I do not like to show our dirty linen in public,” aniya.
Gayunman, hindi niya itinago ang pag-aalala sa kalagayan ng kapatid.
“For a while now, we’ve been very worried about my sister. When I say we, I’m talking about friends and family. The lady that you see talking on TV is not my sister… Hindi siya ’yan,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa niya, iisa umano ang obserbasyon ng kanilang mga pinsan at kaibigan tungkol sa kondisyon ng senadora.
Ayon kay Marcos, ramdam niyang hindi na maayos ang kalagayan ng kapatid kaya’t umaasa siyang “she feels better soon.”
Nang tanungin kung nag-usap na ba sila o balak ba niyang makipag-usap kay Imee, sagot ng Pangulo:
“We no longer travel in the same circles, political or otherwise. So no.”
Naging usap-usapan nitong mga nakaraang araw ang mga pahayag ng senadora kung saan direktang binanatan niya ang Pangulo at First Family, iniuugnay pa sila sa umano’y pagkakasangkot sa droga — isang alegasyong itinanggi at tinawag ng Pangulo na hindi batay sa katotohanan.
Bagama’t hindi diretsong sinagot ng Pangulo kung nasaktan ba siya sa mga paratang, malinaw sa kanyang mga pahayag na mas nangingibabaw ang pag-aalala kaysa galit.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na tugon si Senadora Imee hinggil sa naging sagot ng Pangulo.
