Mas pinaigting na seguridad — PNP, naka-ready na para sa gaganaping rally sa Nobyembre 30
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-24 00:19:04
MANILA — Magtatatag ng mas mahigpit at mas komprehensibong security measures ang Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na malakihang kilos-protesta sa Nobyembre 30, kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day. Ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., magsisilbing mahalagang gabay sa kanilang paghahanda ang naging dalawang-araw na rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Nobyembre 16 hanggang 17.
Ani Nartatez, mas paiigtingin ng ahensya ang pagpapatupad ng “Zero Tolerance policy” laban sa anumang karahasan o ilegal na aktibidad sa darating na protesta na tinawag na Trillion Peso March. Ang naturang pagkilos ay pangungunahan ng iba’t ibang religious groups, civil society organizations, at iba pang sektor bilang pagkondena umano sa katiwalian sa mga proyekto ng imprastruktura ng pamahalaan.
Bilang bahagi ng paghahanda, naglagay na ang PNP ng mga karagdagang checkpoint, rapid response teams, at mas pinalawak din ang koordinasyon sa mga emergency services upang mabilis na matugunan ang anumang banta ng kaguluhan. Target din ng PNP na mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at ang kaligtasan ng mga mamamayan sa paligid ng mga lugar na pagdarausan ng protesta.
Nanawagan naman si Nartatez sa lahat ng lalahok sa kilos-protesta na sundin ang mga tagubilin ng mga awtoridad at makiisa upang matiyak ang mapayapang demonstrasyon. “We urge all participants to follow instructions from our personnel, respect fellow participants, and help us maintain a safe and orderly environment,” pahayag ng opisyal. (Larawan: Wikipedia / Google)
