Diskurso PH
Translate the website into your language:

PAGASA nagtaas ng Signal No. 1 sa 23 lugar dahil sa TD Verbena

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-24 09:14:38 PAGASA nagtaas ng Signal No. 1 sa 23 lugar dahil sa TD Verbena

Nobyembre 24 - Nagtaas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 23 lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao dahil sa Tropical Depression Verbena, na huling namataan 330 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte, bandang alas-3 ng madaling araw nitong Lunes.

Ayon sa 5 a.m. tropical cyclone bulletin ng PAGASA, si Verbena ay may maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa sentro at gustiness na hanggang 55 km/h, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 30 km/h.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang southern Occidental Mindoro (Magsaysay, San Jose), southern Oriental Mindoro (Bulalacao, Mansalay, Roxas, Bongabong), Romblon, mainland Masbate, central at southern Eastern Samar (Sulat, San Julian, Borongan City, Maydolong, Balangkayan, Llorente, Lawaan, Balangiga, General MacArthur, Giporlos, Quinapondan, Hernani, Salcedo, Guiuan, Mercedes, Taft), central at southern Samar, northern Leyte, Biliran, Guimaras, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, at Agusan del Sur.

Naglabas din ang PAGASA ng gale warning sa northern seaboard ng Northern Luzon, na makakaranas ng rough to very rough sea conditions. Pinayuhan ang mga mangingisda at operators ng maliliit na bangka na umiwas muna sa paglalayag o mag-ingat nang husto.

Inaasahan na si Verbena ay tatama o dadaan malapit sa northeastern Mindanao ngayong tanghali o hapon, tatawid sa Visayas at hilagang bahagi ng Palawan, bago lumabas sa West Philippine Sea sa Miyerkules ng umaga, Nobyembre 26. 

Nagbabala ang PAGASA na magdadala si Verbena ng malalakas na ulan sa Eastern Visayas, Caraga, at ilang bahagi ng Southern Luzon at Northern Mindanao. Posible ang pagbaha at landslide sa mga lugar na may mataas na panganib.

Larawan mula DOST-Pagasa