Senado naglaan ng ₱62.6B para palawakin ang zero balance billing sa 2026
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-24 09:29:22
Nobyembre 24, 2025 - Inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian na naglaan ang Senado ng ₱62.6 bilyon para sa Zero Balance Billing (ZBB) Program ng Department of Health (DOH) sa 2026, na inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 18 milyong pasyente sa mga pampublikong ospital.
Ayon kay Gatchalian, ang orihinal na panukalang National Expenditure Program (NEP) ay naglaan lamang ng ₱53.3 bilyon para sa ZBB, na inaasahang sasapat para sa 16 milyong pasyente. Ngunit nagpasya ang Senado na dagdagan pa ito ng ₱9.3 bilyon upang mas mapalawak ang saklaw ng programa.
“We want to ensure that more Filipinos, especially the poor and vulnerable, will not have to worry about hospital bills. This is a major step toward strengthening Universal Health Care,” ani Gatchalian.
Sakop ng ZBB program ang lahat ng gastusin ng pasyenteng naka-admit sa basic o ward accommodation, kabilang ang room charges, laboratory tests, professional fees, at iba pang bayarin—kahit ano pa ang estado ng buhay ng pasyente. Layunin nitong tiyakin na walang pasyente ang lalabas sa ospital na may utang o hindi mabayaran ang kanilang medical expenses.
Dagdag pa ni Gatchalian, iminungkahi niyang ilipat ang pondo mula sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program patungo sa ZBB upang mas maging sistematiko ang pagbibigay ng tulong.
“Let’s just put MAIFIP in the zero-balance billing program. We should reform our Universal Health Care to ensure access to quality health services for all Filipinos without financial hardship,” aniya.
Noong Setyembre, personal na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang DOH-run hospitals upang inspeksyunin ang pagpapatupad ng ZBB. Ayon sa DOH, malaking tulong ang programa sa mga mahihirap na pasyente na dati ay umaasa lamang sa tulong mula sa mga politiko o charitable institutions.
Para kay Gatchalian, ang karagdagang ₱62.6 bilyon ay hindi lamang magpapalawak ng saklaw ng serbisyo kundi magsisilbing “matibay na panangga” laban sa financial hardship na dulot ng gastusing medikal. “It pains me to see some people lining up in politicians’ offices for medical help. The system should help our constituents, not political patronage,” giit niya.
Ang Zero Balance Billing Program ay nakikita bilang isa sa mga pangunahing hakbang ng pamahalaan upang maisakatuparan ang Universal Health Care Law, na layong gawing abot-kaya at accessible ang serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino.
Larawan mula bongbongmarcos Instagram
