Tingnan: Baha sa Butuan City, umabot na sa tuhod
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-24 23:23:05
BUTUAN CITY, Nobyembre 24 — Lubhang naapektuhan ang mga residente ng Barangay Tungao sa Butuan City matapos umabot sa tuhod ang baha ngayong Lunes dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Makikita sa mga kuha mula sa netizens ang maruming tubig na nagpalubog sa kalsada at paligid ng mga bahay, na nagdulot ng pagkaantala sa normal na pagbiyahe at pang-araw-araw na gawain ng mga residente.
Ayon sa Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC), patuloy ang kanilang monitoring at paghahanda sa sitwasyon. Sinisiguro rin nila ang kalagayan ng mga tulay, kalsada, at iba pang estruktura na maaaring maapektuhan ng baha. Nakaantabay na rin ang mga posibleng evacuation areas sakaling lumala pa ang kalagayan ng baha.
Pinayuhan ng BDRRMC ang mga residente na maging mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng barangay, lalo na sa oras ng panganib. Mahigpit din silang pinaalalahanan na mag-ingat sa paglalakad o pagmamaneho sa binahang kalsada upang maiwasan ang aksidente o masamang pangyayari.
Patuloy na nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na maging alerto, tiyakin ang kaligtasan ng pamilya, at magtulungan upang mabawasan ang pinsalang dulot ng baha sa kanilang komunidad.
Sa kabila ng panganib, tiniyak ng mga awtoridad na handa ang kanilang disaster response teams upang tumulong sa mga nangangailangan at mabigyan ng agarang tulong ang mga apektadong pamilya. (Larawan: AYHIE TV / Facebook)
