UP campuses, binulabog ng magnanakaw na nakalusot sa CCTV
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-24 23:36:37
NOBYEMBRE 24, 2025 — Sa unang pagkakataon mula nang itatag ang University of the Philippines (UP) Bonifacio Global City (BGC) noong 2016, isang insidente ng pagnanakaw ang naitala sa loob ng campus, na nagbukas ng usapin hinggil sa seguridad ng pamantasan.
Ayon sa ulat ng Fort Bonifacio Police Substation 1, nangyari ang insidente sa study area bandang alas-5 ng hapon nitong Miyerkules at naiulat makalipas ang limang oras. Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt, may salamin at nakamaskara.
Batay sa pahayag ng biktima, isang 28-anyos na accountant at kasalukuyang law student, ninakaw ng suspek ang laptop na pag-aari ng kanyang kumpanya na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000, pati na ang P4,000 na cash mula sa kanyang bag.
“I always leave my stuff there when I’m buying food or going to the comfort room,” sinabi ng biktima sa panayam ng Inquirer.
(Palagi kong iniiwan ang gamit ko roon kapag bumibili ako ng pagkain o pumupunta sa banyo.)
Dagdag pa niya, karaniwan na sa mga estudyante ang mag-iwan ng gamit sa study area dahil hindi pa raw nagkaroon ng pagkawala ng gamit sa campus.
Isang 27-anyos na estudyante, na kasama ng biktima sa pagrereport, ang nagsabing mismong mga tauhan ng Office of the College Secretary (OCS) ang nagpatunay na ito ang kauna-unahang insidente ng pagnanakaw sa loob ng UP-BGC.
Parehong biktima at iba pang mga estudyante ang naghayag ng pagkadismaya sa umano’y maluwag na seguridad. Ayon sa kanila, inamin ng mga guwardiya na bihira silang mag-check ng ID dahil sa reklamo ng mga estudyante.
“It’s like anyone can just enter the school,” sabi ng isang lalaking estudyante.
(Parang kahit sino na lang puwedeng makapasok sa paaralan.)
Samantala, lumabas na hindi lamang UP-BGC ang tinarget ng suspek. Isang 19-anyos na estudyante mula UP Diliman ang nagsabing siya din ay nabiktima ng parehong tao isang araw bago ang insidente sa Taguig.
“I actually experienced theft from the same person captured in the CCTV,” pahayag ng estudyante.
(Ako mismo ay nabiktima ng parehong tao na nakita sa CCTV.)
Sa kuha ng CCTV sa Diliman, makikita ang lalaking payat na nakasuot ng itim na t-shirt na may larawan ni NBA player Lamelo Ball, may salamin at puting maskara. Ayon sa biktima, ninakaw ng suspek ang kanyang iPad na nagkakahalaga ng P20,000, bukod pa sa laptop ng isa pang estudyante.
“It’s irritating, the audacity of this guy; he already did it in UP Diliman, then he did it once more in UP-BGC,” sabi ng isang estudyante.
(Nakakainis, ang kapal ng mukha ng taong ito; ginawa na niya sa UP Diliman, tapos inulit pa sa UP-BGC.)
Gamit ang “Find My” feature ng Apple, natunton ang iPad sa isang repair shop sa Fairview, Quezon City, ngunit itinanggi ng mga tao roon na dumating ang gadget sa kanilang lugar.
Sa ilalim ng anti-fencing law, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbili o pagbenta ng nakaw na kagamitan. Gayunman, ayon sa biktima, patuloy pa ring itinatanggi ng shop ang pagkakasangkot.
Ang magkakasunod na insidente ay nagbukas ng panawagan mula sa mga estudyante para sa mas mahigpit na seguridad sa mga campus ng UP, lalo na’t lumalabas na hindi pala iisang beses umatake ang suspek.
(Larawan: UP College of Law)
