Diskurso PH
Translate the website into your language:

US Department Of Justice, maglalabas ng mga dokumento kaugnay sa kaso ni Jeffrey Epstein

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-24 00:08:41 US Department Of Justice, maglalabas ng mga dokumento kaugnay sa kaso ni Jeffrey Epstein

NOBYEMBRE 24, 2025 Nakatakdang isapubliko ng pamahalaan ng Estados Unidos ang mga dokumentong may kinalaman sa yumaong convicted sex offender na si Jeffrey Epstein, matapos lagdaan ni US President Donald Trump ang isang bagong batas na nag-aatas na ilabas ang mga ito. Ayon sa ulat ng ilang lokal na media outlets sa Amerika, inaatasan ng batas ang US Department of Justice (DOJ) na ilabas ang lahat ng impormasyon mula sa imbestigasyon kay Epstein sa loob ng 30 araw matapos maging ganap ang pagpapatupad nito.

Bagama’t bubuksan sa publiko ang mga dokumento, nilinaw ng batas na hindi isasama ang mga impormasyong bahagi pa ng aktibong imbestigasyon o maaaring makasagasa sa personal na privacy ng mga indibidwal na tinukoy sa mga nasabing kaso. Layunin umano nitong tiyakin ang transparency sa mga naging kaso ni Epstein, ngunit nang hindi lumalabag sa legal at etikal na pamantayan.

Si Epstein ay una nang kinasuhan at nahatulan noong 2008 dahil sa panghihikayat ng prostitusyon sa menor de edad. Makalipas ang halos isang dekada, muli siyang inaresto noong 2019 sa mas mabigat na kasong sex trafficking ng mga kabataan. Nang taong din iyon, natagpuan siyang patay sa loob ng kanyang selda sa Manhattan, New York, at idineklarang nagpakamatay.

Samantala, naging kontrobersyal ang pagkakaibigan ni Epstein at ni Trump noong mga nakaraang taon, bagama’t iginiit ng dating presidente na nagkaroon sila ng alitan noong unang bahagi ng 2000 at mariin niyang itinatanggi ang anumang pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad ni Epstein. Maraming mata ngayon ang nakatutok sa kung may bagong pangalan o detalye ang mabubunyag sa nalalapit na paglalabas ng mga dokumento. (Larawan: PBS / Google)