Diskurso PH
Translate the website into your language:

Walang parol sa Maynila? — Mayor Isko, hindi umano gagastos ng P14-milyon para sa dekorasyon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-24 23:01:02 Walang parol sa Maynila? — Mayor Isko, hindi umano gagastos ng P14-milyon para sa dekorasyon

Manila, Philippines — Ipinaliwanag ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na hindi muna maglalagay ng mga tradisyunal na Christmas parol sa iba't ibang kalsada at gusali ng Lungsod ng Maynila ngayong taon. Ito ay bilang bahagi ng pagtitipid ng pamahalaang lungsod at paglalaan ng pondo para sa mas mahalagang pangangailangan ng mga Manileño.

Sa naging pahayag ni Moreno, sinabi niyang aabot sa ₱14 milyon ang kakailanganing pondo para sa paglalagay ng mga parol at dekorasyon sa buong lungsod. Dahil dito, minabuti ng alkalde na huwag munang gumastos para sa dekorasyon, lalo na’t may mas mahalagang serbisyong dapat pagkagastusan ng pamahalaan.

“Pasensiya na kayo, ha? Wala akong ilalagay na parol sa buong Maynila. Pagpasensiyahan n’yo na ako, eh kasi that would cost ₱14 million. Eh, ayaw ko namang makapamuhay nang marangya tapos magdadahilan ako sa inyo ng ‘nganga’. Pero hindi ibig sabihin n’un walang parol, walang Pasko. Basta ang importante sa Pasko, nand’yan ang pamilya natin.” pahayag ni Moreno.

Dagdag pa ng alkalde, mas makabubuting ilaan ang malaking halagang ito sa mga serbisyong direktang nakatutulong sa mga mamamayan, tulad ng mga programang pangkalusugan, pang-edukasyon, at pangkabuhayan.

Bagama’t walang pisikal na dekorasyon, tiniyak ni Mayor Isko na hindi mawawala ang diwa ng Pasko sa Maynila, at ang tunay na selebrasyon ay nakasalalay sa pagkakaisa, pagmamahalan at presensya ng pamilya.

Sa gitna ng pagbabago sa tradisyon ngayong taon, marami namang netizens ang nagpahayag ng suporta sa hakbang ni Moreno, patunay na para sa mga Manileño—mas mahalaga ang serbisyo kaysa dekorasyon. (Larawan: Manila PIO / Facebook)