Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zaldy Co sa bagong video: PBBM, Romualdez naghati sa bilyong pisong ‘deliveries’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-24 14:25:45 Zaldy Co sa bagong video: PBBM, Romualdez naghati sa bilyong pisong ‘deliveries’

MANILA — Naglabas ng panibagong video statement si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co kung saan muli niyang ibinunyag ang umano’y malakihang hatian, SOP collections, at cash deliveries na aniya’y personal na napunta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pahayag ni Co, sinabi niyang “para may libing ako kasama ang katotohanan kahit saan man ako pumunta,” kaya’t ipinilit niyang ilabas ang umano’y sensitibong impormasyon kahit umano’y may banta sa kanyang buhay. Ayon sa kanya, may plano raw ang administrasyon na palabasin siyang terorista upang lalo siyang patahimikin.

Sinabi rin niyang agad noong 2022, nang maupo siya bilang chairman ng House Committee on Appropriations, “sinabi na agad sa akin ni Speaker Romualdez na kailangan ko makapag-deliver ng P2B kada buwan.” Aniya, dito nagsimula ang sunod-sunod na “deliveries” ng pera papunta sa mga tirahan ng dating House Speaker at umano’y para rin sa Pangulo.

Inilahad ni Co ang hatian umano sa kickbacks sa DPWH flood control at infrastructure projects—32% para kay Romualdez, 2% para sa dating DPWH Usec. Bernardo, at 1% para sa district engineer. Ang mga tauhan daw ni Engr. Henry Alcantara ang nagdadala ng pera sa kanyang mga tao, bago naman i-deliver ng team niya sa bahay ni Romualdez sa North Forbes Park at kalaunan sa South Forbes Park.

Ayon pa kay Co, “Ang sinabi mismo ni SP Martin sa akin na hati sila ni Pangulong Marcos sa pera niyan… gagamitin bilang bagsakan at imbakan ng pera mula sa SOP, koleksyon at deliveries.”

Inakusahan din niyang mismong si Pangulong Marcos ang nag-utos umano na bumili ang Speaker ng bahay sa No. 30 Tamarin Street, South Forbes Park, para gawing drop-off point ng pera bago umano’y dalhin sa tirahan ng Pangulo sa No. 41 Nara Street.

Dagdag ni Co, kahit naipadala na raw ang kabuuang P1B na personal niyang inihatid para sa Pangulo, maging ang umano’y P100B insertion sa 2025 budget at P97B flood control insertion para sa NEP 2026, “nagagalit pa rin si BBM.”

Inangkin niyang “ang kabuuang pera na dumaan sa akin para ibigay kay Pangulong Marcos at kay dating Speaker Romualdez ay umabot sa P56B,” hiwalay pa sa umano’y mga insertions.

Sinabi rin niyang may mga litrato at video umano na magpapatunay sa mga delivery na ilalabas daw niya sa tamang panahon.

Sa ngayon, wala pang tugon mula sa Palasyo o kampo nina Marcos at Romualdez hinggil sa panibagong akusasyong ito. Ngunit sa mga nakaraang pahayag, ilang opisyal ng administrasyon ang mariing itinanggi ang lahat ng alegasyon ni Co, tinawag itong “puro imbento” at “walang ebidensya.”