Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Wala po kaming tinatago' — Arjo Atayde, naging emosyonal sa pagharap sa ICI; iginiit ang pagiging inosente ng pamilya

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-25 15:57:00 'Wala po kaming tinatago' — Arjo Atayde, naging emosyonal sa pagharap sa ICI; iginiit ang pagiging inosente ng pamilya

NOBYEMBRE 25, 2025 — Nagpakita ng emosyon si Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde sa unang pagkakataon niyang pagharap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects. Kasama sa mga iniimbestigahan ang umano’y pagkakasangkot ng kanyang pamilya sa sinasabing kickback scheme na ikinabit ng contractor couple na sina Curlee at Sarah Discaya.

Sa harap ng mga mamamahayag, hindi naiwasan ni Atayde ang maging emosyonal nang tanungin tungkol sa papel ng kanyang ama na umano’y nagsilbing bagman sa proyekto. Mariin niyang itinanggi ang akusasyon at iginiit na handa siyang sumailalim sa masusing imbestigasyon.

"Wala po kaming tinatago. Hindi ako magtatago. Hindi ako iiwas. Hindi ako lilipad ng ibang bansa. I'm here to thoroughly go through the investigation to fight for my innocence and to ..." aniya, habang nagpipigil ng luha.

Ayon kay Atayde, kusang-loob ang kanyang pagdalo sa ICI hearing at siya mismo ang humiling na isagawa ito sa executive session. Aniya, nais niyang mailatag nang buo ang kanyang panig sa tamang forum.

"I told the people I'll answer at the proper forum, at the proper time. And this is it," paliwanag niya.

(Sinabi ko sa mga tao na sasagot ako sa tamang forum, sa tamang oras. At ito na iyon.)

Dagdag pa niya, hindi niya minamaliit ang bigat ng isyu at kailangan niyang tipunin ang lahat ng ebidensyang makakapagpatunay ng kanyang pagiging inosente.

Noong Setyembre, tahasan na niyang itinanggi ang anumang pakikipag-ugnayan sa mga Discaya.

"I have never dealt with them [the Discayas]. Hindi po totoo ang mga akusasyon na ito," giit niya.

Binanggit din ni Atayde na walang konkretong ebidensyang naipapakita laban sa kanya o sa kanyang ama.

"Kasi until now, as I said, baka mas mabuti po, bago po magturo eh bigay po muna ang ebidensya laban sakin eh," aniya.

Kasabay nito, nagpahayag din si Caloocan Representative Dean Asistio ng kahilingan para sa executive session sa parehong imbestigasyon. Batay sa inilabas na patakaran ng ICI, maaaring payagan ang ganitong kahilingan kung may sapat na batayan at hindi ito makakaantala sa mandato ng komisyon.

Sa kabila ng mga akusasyon, nanindigan si Atayde na handa siyang ilatag ang lahat ng detalye upang linisin ang pangalan niya at ng kanyang pamilya.



(Larawan: Arjo Atayde | Facebook)