Diskurso PH
Translate the website into your language:

AICS ginamit sa kampanya, ipinambayad sa pagpirma sa impeachment — VP Sara

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-25 20:00:34 AICS ginamit sa kampanya, ipinambayad sa pagpirma sa impeachment — VP Sara

NOBYEMBRE 25, 2025 — Sa gitna ng mainit na usapin sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, lumutang ang mabigat na paratang hinggil sa umano’y maling paggamit ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ayon kay Duterte, ang naturang programa ay ginamit hindi para sa mga nangangailangan, kundi para pondohan ang kampanya ng mga kandidato na kaalyado ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Binanggit ng Senate Blue Ribbon Committee, sa pamumuno ni Panfilo Lacson, ang biglaang pagtaas ng pondo ng AICS sa mga taon ng halalan. Mula P23.56 bilyon noong 2021, sumirit ito sa P39.76 bilyon noong 2022 — katumbas ng 68.8% na pagtaas. Ang naturang paglobo ay nagdulot ng tanong kung saan napunta ang dagdag na pondo.

Sa isang panayam, diretsahang sinabi ng Bise Presidente: “So dito makikita natin na ginamit sa pulitika yung AICS, ginamit sa mali yung pera. Sana tignan din nila yung mga iba pang congressional districts ng mga congressman na pumirma sa impeachment.”

Dagdag pa niya, “Binayaran through the budget ang mga members of the House of Representatives para pumirma sa impeachment.” 

Noong Pebrero 5, naghain ng impeachment complaint ang Kamara laban kay Duterte, na suportado ng mahigit 200 kongresista. Inakusahan siya ng betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen. Tumugon si Duterte ng “not guilty” at tinawag ang reklamo bilang “scrap of paper” (basura lamang na papel).

Gayunman, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang impeachment articles dahil sa one-year rule at paglabag sa due process. Sa kabila nito, naghain ng motion for reconsideration ang Kamara upang igiit ang kanilang kapangyarihang mag-usig ng impeachable official.

Sa huli, ipinasa ang reklamo sa Senado na dapat gumanap bilang impeachment court. Ngunit 19 sa 24 senador ang bumoto para i-archive ang kaso, na nagpatigil sa proseso.



(Larawan: Philippine News Agency)