Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagong silang na sanggol, tinangay ng pekeng nurse sa Koronadal

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-25 19:56:56 Bagong silang na sanggol, tinangay ng pekeng nurse sa Koronadal

NOBYEMBRE 25, 2025 — Isang sanggol na dalawang araw pa lamang mula nang isilang ang umano’y tinangay ng isang babae na nagkunwaring nurse sa loob ng provincial hospital nitong Linggo, Nobyembre 23.

Ayon sa Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12), lumapit ang suspek sa ama ng bata at nagpakilalang staff na magsasagawa ng routine check. Hindi nagtagal, kinuha nito ang sanggol at tuluyang nawala. Ang ama, 23 taong gulang at kabilang sa isang katutubong grupo, ay agad na nag-post sa social media upang humingi ng tulong at ipahayag ang pangamba sa kaligtasan ng kanyang anak.

Sa inilatag na impormasyon ng pulisya, iniwan ng suspek ang isang eco-bag na naglalaman ng gamit ng sanggol sa Barangay Avanceña habang tinutugis ng mga operatiba. Ang naturang bag ay nagsilbing ebidensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang babaeng nasa tinatayang late 20s, may maliit na pangangatawan, nakasuot ng berdeng uniporme, itim na hijab, at may takip na maskara.

“Yung unidentified female, dinescribe niya na siguro mga 5’2 ang height, medyo small built niya, siguro nasa late 20’s at nakadamit ito ng green uniform, black hijab, at meron siyang black face mask. In-introduce niya ang sarili niya na isang nurse staff doon sa hospital, yun kinuha niya yung infant,” pahayag ni PRO-12 Spokesperson, Major Rissa Hernaez. 

Posibleng makasuhan ang suspek sa ilalim ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. Kasabay nito, iniimbestigahan ng pulisya ang seguridad ng ospital upang matukoy kung paano nakapasok ang babae nang hindi napansin ng mga guwardiya.

Patuloy ang malawakang paghahanap sa suspek habang nananatiling nakaantabay ang pamilya ng sanggol sa resulta ng imbestigasyon.



(Larawan: Wikimedia Commons)