‘Bato at noodles’ lang ang nakuha sa QC buy-bust, ayon sa PNP
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-25 08:19:57
MANILA, Pilipinas — Literal na mga “bato” at noodles ang natagpuan sa mga drug suspect na napatay sa buy-bust operation sa Quezon City, ayon sa Philippine National Police (PNP). Sa halip na shabu, lumabas sa imbestigasyon na ang mga nakumpiskang pakete ay naglalaman lamang ng mga piraso ng bato at instant noodles.
Ayon sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG), tatlong suspek ang napatay sa engkuwentro noong Nobyembre 18 sa isang gasolinahan sa Barangay Socorro, Quezon City. Una nang iniulat na ₱68 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska, ngunit kalaunan ay kinumpirma ng PDEG na negatibo ang resulta ng pagsusuri.
“It turned out negative po. Negative po yung naging result,” pahayag ni PDEG acting director Police Brigadier General Elmer Ragay sa isang press briefing.
Dagdag pa ni Ragay, malinaw na niloko ng mga suspek ang kanilang ka-transaksyon. “Mga nabalot na what would look like noodles. Meron din pong laman ay pebbles. So the intention was talagang onsehin ang kanilang katranskasyon,” aniya.
Batay sa ulat, nagsimula ang operasyon nang makipagtransaksyon ang mga suspek sa mga operatiba. Subalit nauwi ito sa barilan matapos umanong paputukan ng isa sa mga suspek ang mga pulis. Tatlo ang napatay habang isang suspek ang nakatakas. Nasugatan din ang isang pulis at isang informant sa insidente.
Kinilala ng PDEG ang mga napatay na sina alyas “Jason,” 23; alyas “Milo,” 55; at isang kilalang personalidad na si “Cal.” Isa pang suspek ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Samantala, iginiit ng PNP na lehitimo ang isinagawang operasyon. “This is a legitimate operation… Before conducting this operation, our SOUs were mandated to submit a target intelligence packet,” paliwanag ni Brig. Gen. Ragay, sabay sabing bukas ang kanilang hanay sa anumang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Larawan mula PNP
