Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mansyon ni Romualdez sa Forbes Park, ipinag-utos ni Marcos na gawing bodega ng pera — Zaldy Co

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-25 18:02:37 Mansyon ni Romualdez sa Forbes Park, ipinag-utos ni Marcos na gawing bodega ng pera — Zaldy Co

NOBYEMBRE 25, 2025 — Muling nagpasabog ng akusasyon si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co laban sa pinakamataas na liderato ng bansa. Ayon kay Co, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-utos sa pinsan niyang si dating House Speaker Martin Romualdez na bumili ng mansion sa Forbes Park para gawing imbakan ng perang galing umano sa mga kickback.

Ipinahayag ni Co na simula nang maupo si Marcos noong 2022 at siya’y maging chairman ng House appropriations committee, regular nang nagaganap ang paghahatid ng pera para sa Pangulo at kay Romualdez. Ang pera, aniya, ay mula kay dating DPWH engineer Henry Alcantara at unang dinadala sa kanyang bahay sa Valle Verde at sa Shangri-La sa Bonifacio Global City.

Mula roon, inilarawan ni Co ang koordinasyon ng kanyang mga tauhan sa staff ni Romualdez. 

“Pagkatapos nilang makuha ang pera, sila Mark at Paul naman ang nag-aayos o nakikipag-coordinate sa tauhan ni Speaker Martin Romualdez na si Jocelyn Sireño para sa pag-de-deliver ng male-maletang pera patungo sa bahay ni Speaker. Una, sa North Forbes Park sa McKinley Drive at nang lumipat siya sa number 14 Narra Street South Forbes Park,” kuwento ni Co. 

Pinakamatindi sa kanyang pahayag ang umano’y rebelasyon mula kay Romualdez mismo. 

“Sinabi rin po sa akin, Speaker Martin Romualdez, na si PBBM ang nag-utos sa kanya na bilhin ang bahay sa No. 30 Tamarind Street para gamitin bilang bagsakan at imbakan ng pera mula sa mga SOP, koleksyon, at deliveries na para sa Pangulo,” pagsiwalat ni Co. 

Tikom pa rin ang bibig ng Malacañang, maging ang kampo ni Romualdez, sa naturang mga akusasyon na lalo pang nagpapainit sa krisis pampulitika sa bansa.



(Larawan: YouTube)