Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos, bumanat: ‘Ilan bang Ferrari ang gusto niyo?’ – Tiangco, ibinulgar ang komprontasyon kay Romualdez

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-25 12:03:33 Marcos, bumanat: ‘Ilan bang Ferrari ang gusto niyo?’ – Tiangco, ibinulgar ang komprontasyon kay Romualdez

NOBYEMBRE 25, 2025 — Ibinunyag ni Navotas Rep. Toby Tiangco na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang humarap kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez upang kuwestiyunin ang umano’y pagkamal ng yaman mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Ayon kay Tiangco, noong Nobyembre 24, 2024, diretsahang tinanong ng Pangulo si Romualdez tungkol sa mga ari-ariang nabibili nila ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co. 

“Martin, kayo ni Zaldy, ilan bang bahay sa Forbes ang gusto niyong bilhin? Ilang bang eroplano ang kailangan ninyo? Ilan bang Ferrari ang gusto niyo? Gaano karaming pera ba ang gusto nyo? Gaano karaming caviar ba ang kaya niyong kainin?” 

Pagkatapos ng serye ng tanong, mariin pa umanong sinabi ng Pangulo: “Sobra na kayo, lahat ng pera kinukuha niyo.” 

Binanggit din ni Tiangco na madalas magbanggit si Romualdez ng “utos mula sa taas” kapag nagbibigay ng direktiba sa Kongreso. 

“Andaming instances na, kahit dito sa Congress, kaya minsan nagtatalo kami kasi sinasabi niya pag nag-utos siya, ‘Hindi ko naman to gagawin kung walang utos sa taas eh’.” 

Bukod pa dito, lumutang din ang usapin tungkol sa isang bahay sa Tamarind Street, Forbes Park, na umano’y konektado kay Romualdez. Sa isang video, si Co mismo ang nagsabing inutusan siya ni Romualdez na maghatid ng P1 bilyon sa naturang bahay noong Disyembre 2024. Ang pera raw ay tinanggap ni Justice Undersecretary Jojo Cadiz, na nagsabing dadalhin ito sa bahay ng Pangulo sa parehong lugar.

Ang mga pahayag na ito ay nagdagdag ng bigat sa mga akusasyon ng katiwalian at luho sa pamahalaan.



(Larawan: Philippine Information Agency)