Roque sa drug-use claim: ‘Marcos Jr. bangag ka’; hinikayat na ibigay ang pagkapangulo kay VP Sara
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-25 08:19:56
MANILA, Pilipinas — Muling umapela si dating presidential spokesperson Harry Roque kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isuko na ang pamumuno sa bansa at ipasa ito kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, sa gitna ng mga alegasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo.
Nag-ugat ang panawagan matapos ang pahayag ni Senadora Imee Marcos na ang kanyang kapatid ay nakikipagbuno umano sa problema ng drug addiction. Ang naturang pahayag ay nagdulot ng matinding diskusyon sa publiko, kung saan ilan ay nanawagan ng paglilinaw mula sa Malacañang habang ang iba naman ay tinawag itong pamumulitika.
Sa kanyang naunang pahayag, iginiit ni Roque na ang isyu ng droga ay dapat tingnan bilang isang medikal na kondisyon. “Karamdaman po ang drug addiction. Huwag natin kasuklaman si Marcos Jr.,” aniya, sabay diin na ang sitwasyon ay dapat lapitan nang may malasakit at pag-unawa.
Ngunit sa pinakabagong mensahe, mas matindi ang kanyang panawagan: “Again, my appeal, Marcos Jr. bangag ka! Right now you are sick, pwede ka naming kaawaan. Ibigay mo na ang pagiging presidente kay Inday Sara Duterte.”
Ayon kay Roque, ang kanyang panawagan ay bunga ng pag-aalala sa kalagayan ng pamumuno ng bansa at sa mismong kalusugan ng Pangulo. “Alam ko naman po na talagang kinakailangang harapin ko itong paggigipit ng gobyernong ito, lalong-lalo na na binuhay nga talaga at pinatunayan na ni Imee Marcos na bangag ang ating Presidente,” dagdag pa niya sa isang hiwalay na video message.
Samantala, nanindigan ang Malacañang na walang batayan ang mga alegasyon laban kay Marcos Jr. at iginiit na hindi maaaring pilitin ang Pangulo na sumailalim sa drug test. Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na “walang sinuman ang maaaring mag-utos sa Pangulo na magpa-drug test.”
Nagpahayag din si Vice President Sara Duterte na dapat sumailalim si Marcos Jr. sa pagsusuri upang patunayan na walang katotohanan ang mga alegasyon. Gayunman, nananatiling matatag ang posisyon ng Palasyo na ang mga paratang ay bahagi lamang ng pamumulitikang laban.
Sa kabila ng mga pagtanggi ng administrasyon, nananatiling mainit ang usapin sa publiko, lalo na’t mismong mga kaanak at dating opisyal ng gobyerno ang nagsusulong ng mga panawagan hinggil sa kalusugan at kakayahan ng Pangulo.
Larawan mula Harry Roque/Facebook
