Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sandro Marcos, pinabulaanan ang mga paratang ni Zaldy Co — umano’y ‘destabilizer,’ 'newly-crowned champion of the DDS'

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-25 16:36:01 Sandro Marcos, pinabulaanan ang mga paratang ni Zaldy Co — umano’y ‘destabilizer,’ 'newly-crowned champion of the DDS'

NOBYEMBRE 25, 2025 — Nagpasabog ng matinding pahayag si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos laban kay dating Ako Bicol Party-list congressman Zaldy Co, matapos nitong akusahan ang presidential son ng umano’y P50.938 bilyong “insertion” sa pambansang budget mula 2023 hanggang 2025.

Sa inilabas na video ni Co sa Facebook, iginiit niyang si Marcos ang nasa likod ng malalaking proyekto na isiniksik sa budget. Ngunit agad itong sinagot ng majority leader, at binansagan si Co bilang “newly-crowned champion of the DDS cabal.”

“Anyone can sit in front of a camera from abroad and spew lies. The statements from the newly crowned champion of the DDS cabal, former Congressman Zaldy Co, are frankly as fantastical as they are false,” ani Marcos. 

(Kahit sino ay pwedeng umupo sa harap ng kamera mula sa ibang bansa at magpakalat ng kasinungalingan. Ang mga pahayag mula sa bagong kampeon ng DDS faction, si dating Congressman Zaldy Co, ay kahibangan at kasinungalingan.)

Hindi nag-atubili si Marcos na tawagin si Co bilang walang kredibilidad at may sariling interes na pabagsakin ang administrasyon. 

“I hope that the public can be reminded that we are talking of a person with no credibility, whose vested interests are to release these videos to destabilize the government,” wika niya. 

(Nawa’y maalala ng publiko na ang tinutukoy natin ay isang taong walang kredibilidad, na ang interes ay maglabas ng mga video para pabagsakin ang gobyerno.)

Dagdag pa ng kongresista, malinaw na ang tanging nakikita ni Co ay ang maghasik ng kaguluhan upang makaligtas sa sariling kaso. 

“Evidently, the only path he sees for himself is one where he stirs political chaos in the hope of escaping his own legal troubles (Malinaw na ang tanging nakikita niyang daan ay ang maghasik ng kaguluhan upang makaligtas sa sariling kaso). Gusto niyang pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon para ma-abswelto siya sa kanyang mga krimen,” ani Marcos. 

Binunyag din ni Marcos na may impormasyon hinggil sa pakikipagkasundo ni Co sa mga grupong makikinabang kung magtagumpay ang destabilization. 

“In fact, the intel suggests he already struck a deal with those who stand to benefit from such a change,” aniya. 

(Sa katunayan, may intel na nagsasabing nakipagkasundo na siya sa mga makikinabang sa pagbabagong ito.)

Sa huli, mariin niyang tinuligsa ang imahe ni Co bilang “truth crusader.” 

“Sa aking mga kababayan, si Zaldy Co ay hindi po isang journalist o truth crusader. Siya po ay isang kriminal na umiiwas sa hustisya. Huwag po tayong magpabudol sa kanya,” ani Marcos. 

Si Co, dating chairman ng Committee on Appropriations, ay matagal nang sentro ng kontrobersya sa flood control projects at budget insertion scandal. Nasa ibang bansa siya ngayon at matagal nang nagtatago.

Sa gitna ng palitan ng akusasyon, iginiit ni Marcos na ang mga pahayag ni Co ay hindi rebelasyon kundi malinaw na destabilization. 

“HINDI ITO REBELASYON, ITO AY DESTABILISASYON,” diin ng majority leader.



(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)