Diskurso PH
Translate the website into your language:

Wind mill project ng Banahaw Wind Power, hindi na umano itutuloy ayon sa lokal na pamahalaan ng Sariaya at Tayabas

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-25 23:47:14 Wind mill project ng Banahaw Wind Power, hindi na umano itutuloy ayon sa lokal na pamahalaan ng Sariaya at Tayabas

SARIAYA, QUEZON — Kinumpirma ng Lokal na Pamahalaan ng Sariaya at Tayabas City na hindi na matutuloy ang planong pagtatayo ng wind mill project ng Banahaw Wind Power sa kanilang nasasakupan.

Batay sa anunsyo ng dalawang LGU, umabot sa dalawang taon ang isinagawang pananaliksik at pag-aaral bago napagdesisyunang hindi na ituloy ang proyekto. Bagama’t hindi pa inilalabas ang buong detalye sa naging resulta ng pagsusuri, nakasaad sa pahayag na nagpasya ang kumpanya na hindi na angkop ipagpatuloy ang proyekto sa kasalukuyan at sa naturang lokasyon.

Ipinaabot naman ng mga lokal na opisyal ang kanilang pasasalamat sa mga residente at stakeholder na naging bahagi ng konsultasyon at mga pag-aaral na may kaugnayan sa nasabing renewable energy project. Nilinaw rin ng mga LGU na bukas pa rin sila sa mga proyekto para sa malinis na enerhiya basta’t ito’y hindi makasasama sa kapaligiran at lokal na komunidad.

Sa ngayon, inaasahan ang karagdagang detalye sa magiging susunod na hakbang ng Banahaw Wind Power at posibleng rekomendasyon mula sa isinagawang dalawang taong pananaliksik. (Larawan: Business World Online / Facebook)