'Big fish' sa flood scam, kalaboso sa loob ng 5 linggo — Remulla
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-26 16:05:09
NOBYEMBRE 26, 2025 — Sa loob ng limang linggo, inaasahang mahuhulog sa kamay ng batas ang tinaguriang “big fish” sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects — kabilang ang ilang senador at kongresista. Ito ang mariing pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa isinagawang pagpupulong kasama ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Big fish are coming soon. We should expect the Discayas, senators, and congressmen in the next five weeks. There will be no special treatment. They will be treated like everyone else,” ani Remulla.
(Ang malalaking isda ay paparating. Dapat asahan ang mga Discaya, senador, at kongresista sa susunod na limang linggo. Walang espesyal na trato. Pareho ang paghawak sa kanila gaya ng iba.)
Ayon kay Remulla, ilan sa mga akusado ay nasa ibang bansa gaya ng Qatar at Estados Unidos. Binigyan sila ng palugit hanggang bukas upang sumuko sa pinakamalapit na embahada ng Pilipinas. Dagdag pa niya, hawak na ng pamahalaan ang kopya ng kanilang mga pasaporte kaya’t hindi sila makakatakas.
Partikular na binanggit ang dating Ako Bicol party-list representative na si Zaldy Co, na umano’y may dalawang pasaporte at nakikitang gumagalaw sa Europa, Asya, at Amerika.
“Go home. You need to answer to the law,” ani Remulla.
(Umuwi ka. Kailangang harapin mo ang batas.)
Nagbigay din ng paalala si Acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga nagtatago ng mga akusado.
“We understand the close ties among relatives and friends but accountability and the rule of law must always prevail,” wika niya.
(Nauunawaan namin ang malapit na ugnayan ng mga kamag-anak at kaibigan ngunit dapat manaig ang pananagutan at ang batas.)
Dagdag pa niya, handa ang Criminal Investigation and Detection Group na magsampa ng kaso laban sa sinumang mapatunayang kumukupkop sa mga pugante.
Samantala, sa New Quezon City Jail, anim na opisyal ng DPWH na una nang kinasuhan ay kasalukuyang nakakulong. Kabilang dito sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben delos Santos Jr., Dominic Serrano, Felisardo Casuno at Dennis Abagon. Ang isa pang akusada, si Lerma Cayco, ay nasa Camp Caringal Female Dormitory, habang si Juliet Calvo ay pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.
Ayon kay BJMP director Ruel Rivera, walang espesyal na pribilehiyo ang mga ito. Pareho ang pagkain, serbisyo, at pasilidad na matatanggap nila gaya ng ibang preso. Kamakailan ay tinaasan ang food allowance mula ₱70 tungo sa ₱100 kada araw bawat inmate.
(Larawan: Philippine Information Agency)
