'Isang mukhang militar na pulis na Pilipino,' nag-spy umano kay Harry Roque bago ma-offload
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-26 08:43:23
MANILA - Ikinuwento ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang umano’y “kahina-hinalang” pangyayari bago siya pababain ng Dutch police mula sa eroplano patungo sana sa Austria.
Sa isang live discussion, sinabi ni Roque na ngayon niya lamang nalaman ang isa pang dahilan kung bakit siya in-offload, at ito ay ang presensya ng isang Pilipinong mukhang sundalo o pulis na nakasakay sa business class na kuno’y patago siyang kinukunan ng larawan at video.
Ayon kay Roque, bago pa man umangat ang eroplano ay napansin na ng Dutch police ang naturang lalaki. Aniya, “Meron palang isang mukhang militar na pulis na Pilipino na picture nang picture. Kinumpirma ng pulis na kinuha ang telepono niya at merong 10-second video ko habang pumapasok ng eroplano.” Dagdag niya, kung totoong may banta sa kanyang buhay bilang asylum seeker, mas nakakasama na pinayagang lumipad ang naturang tao.
Ipinahayag pa ni Roque ang pagkadismaya na tila sinusubaybayan umano siya. “Parang ang gobyerno natin ay naglagay ng tao para bantayan kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung ano pa ang plano nila kung nakarating ako ng Austria,” sabi niya.
Kinumpirma rin niya na habang nasa loob siya ng eroplano, may kapwa Pilipinong pasahero ang nagpadala ng mensahe at video sa kanilang kausap sa live broadcast. Nakita raw nito ang parehong lalaki at sinabing “kanina pa nagmamasid,” dahilan umano kung bakit pinababa ng Dutch police si Roque.
Ayon sa dating opisyal, pinababa siya matapos magbago ang desisyon ng mga pulis hinggil sa kanyang kaligtasan. Sinabi niya, “Alam nila na hindi na nila magagarantiya ang aking seguridad dahil hanggang loob ng eroplano ay merong nakasunod sa akin na kaduda-dudang Pilipino.”
Ikinuwento rin ni Roque ang tila pag-aantala bago siya tuluyang ibinaba. Aniya, “Tatlo silang pulis. Dalawang bumaba, isang naiwan. Sabi ko bakit ang tagal? Yun pala inaabangan nila kung bababa rin yung Pilipino. Hindi naman bumaba.”
Dahil dito, naniniwala si Roque na posibleng may mas malalim pang kadahilanan sa likod ng insidente. Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang awtoridad ng Netherlands ukol dito at wala ring kumpirmasyon mula sa gobyerno ng Pilipinas hinggil sa mga alegasyon ni Roque.
Larawan mula Harry Roque Facebook
