Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱568-bilyong budget ng DPWH para sa 2026, aprubado na

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-26 23:01:47 ₱568-bilyong budget ng DPWH para sa 2026, aprubado na

MANILA, Philippines Matapos ang halos labing-isang oras na deliberasyon, tuluyan nang inaprubahan ng Senado ang proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2026 na nagkakahalaga ng ₱568 bilyon. Natapos ang pagtalakay sa plenary session na nagsimula nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 25, at nagtapos dakong 2:00 ng madaling araw kinabukasan.

Pinangunahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagdepensa sa pondo ng DPWH, kasama si DPWH Secretary Vince Dizon, na tumugon sa mga katanungan ng mga senador hinggil sa paggamit ng budget, tamang alokasyon para sa mga imprastraktura, at mga proyektong prayoridad para sa susunod na taon.

Nakatuon ang pondo sa mga road network improvement, flood control projects, bridge construction, at infrastructure support para sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Binibigyang-priyoridad ng ahensya ang mga proyektong may malaking epekto sa pag-unlad ng ekonomiya at kaligtasan ng publiko, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng pagbaha at kalamidad.

Tiniyak ni Dizon na magiging mas mahigpit ang monitoring at transparency measures upang maiwasan ang anomalya at katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyekto. Dagdag pa niya, nagsasagawa rin ang DPWH ng masusing pag-aaral upang matiyak na ang bawat proyektong popondohan ay may malinaw at makabuluhang benepisyo sa publiko.

Sa pag-apruba ng P568-bilyong budget, inaasahang mas mapapabilis ang pagpapatayo at pag-aayos ng mga pangunahing kalsada, tulay, at iba pang imprastraktura na tutugon sa lumalaking pangangailangan ng Pilipinas. (Larawan: PNA / Facebook)