‘Anti-Epal Ordinance’, inaprubahan ni Mayor Leni Robredo sa Naga City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-26 23:30:41
NAGA CITY — Opisyal nang pinagtibay ni Naga City Mayor Leni Robredo ang “Anti-Epal Ordinance,” isang lokal na batas na nagbabawal sa paglalagay ng pangalan, larawan, o anumang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga proyekto at ari-arian na pinondohan ng pamahalaan. Layunin nitong tiyakin na ang pagkilala sa mga proyekto ay hindi napupunta sa mga pulitiko, kundi sa taumbayang nagbabayad ng buwis.
Saklaw ng ordinansa ang lahat ng signage, billboards, tarpaulins, at publicity materials kaugnay ng mga programa at imprastruktura ng lokal na pamahalaan. Sa ilalim ng bagong batas, anumang materyales na lalabag sa patakaran ay kailangang alisin agad ng lokal na pamahalaan.
Ipinahayag ng tanggapan ni Mayor Robredo na ang hakbang na ito ay pagpapatuloy sa adbokasiya ng yumaong asawa ni Robredo, si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse M. Robredo. Matatandaang naglabas siya ng Memorandum Circular No. 2010-101, na unang nagpatupad ng pagbabawal sa paggamit ng mukha at pangalan ng mga opisyal sa mga proyekto ng gobyerno.
Ayon sa lokal na konseho, layunin ng ordinansa na palakasin ang prinsipyong “Gobyerno ng taumbayan, hindi ng politiko,” bilang bahagi ng matagal nang kultura ng transparency at accountability sa Naga—na kinikilala bilang modelo ng mabuting pamamahala sa bansa. Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagpapatupad ng batas upang matiyak ang mas malinis at tapat na pamamalakad sa lungsod. (Larawan: Mayor Leni Robredo / Facebook)
