Assets frozen ng AMLC kaugnay ng flood scam, pumalo na sa halos P12B
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-27 11:41:31
NOBYEMBRE 26, 2025 — Umabot na sa halos ₱12 bilyon ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang frozen ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects na iniimbestigahan dahil sa umano’y katiwalian. Dalawang panibagong freeze order ang inilabas ng Korte na tumatarget sa mga ari-arian ng mga opisyal na sangkot sa naturang iskandalo.
Ayon sa AMLC, sakop ng pinakahuling freeze order ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, dalawang helicopter, at isang eroplano. Tinatayang nasa ₱3.9 bilyon ang halaga ng air assets pa lamang.
Sa kabuuan, nakapagtala na ang AMLC ng 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties, at 16 e-wallet accounts na konektado sa mga proyektong flood control na pinagdududahan ang legalidad. Ang kabuuang halaga ng mga ito ay nasa ₱11.7 bilyon, at inaasahang tataas pa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Itinuturing ng AMLC na ang mga ari-ariang ito ay may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin sa “Malversation of Public Funds and Property” sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code.
“The issuance of the freeze orders will enable AMLC to pursue a more extensive financial investigation to uncover any possible money laundering scheme linked to the flood control projects,” pahayag ni AMLC executive director Matthew David.
(Ang pagpapalabas ng freeze orders ay magbibigay-daan sa AMLC na magsagawa ng mas malawak na imbestigasyong pinansyal upang matuklasan ang anumang posibleng money laundering scheme na konektado sa flood control projects.)
Dagdag pa niya, “The public can be assured that the AMLC will continue to pursue all possible legal remedies to ensure that those involved in the misuse of public funds are held accountable.”
(Maaaring masiguro ng publiko na ipagpapatuloy ng AMLC ang lahat ng posibleng legal na hakbang upang matiyak na ang mga sangkot sa maling paggamit ng pondo ng bayan ay mananagot.)
(Larawan: AMLC)
