Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kapitan sa Digos pinaslang habang naka-Facebook Live sa loob ng bahay

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-26 08:43:23 Kapitan sa Digos pinaslang habang naka-Facebook Live sa loob ng bahay

DIGOS CITY, Davao del Sur — Isang barangay captain ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang siya ay nasa Facebook Live sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Tres de Mayo, Digos City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Kapitan Oscar “Dodong” Bucol Jr., na kilala sa kanyang aktibong pagbibigay-komento sa mga isyung pampulitika sa social media. Sa gitna ng kanyang livestream, kung saan binabatikos niya ang ilang lokal na politiko, biglang narinig ang sunod-sunod na putok ng baril. Makikita sa video ang kanyang pagtatangkang tumakbo at humingi ng tulong bago siya tuluyang bumagsak.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo Cebu, ilang minuto bago ang pamamaril ay nakikipag-usap pa si Bucol sa isang lalaking nagpakilalang “good Samaritan” na nakapulot ng wallet. Ngunit habang nagpapatuloy ang kanyang broadcast, pumasok ang suspek at pinaputukan siya nang makailang beses.

Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. Si Bucol ay kilala rin bilang provincial chairman ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa Davao del Sur, at mariing kinondena ng partido ang pamamaslang. 

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, legal counsel ng PDP sa probinsya, “We strongly condemn the killing and urge authorities to move swiftly in bringing justice to Kap Bucol and his family.”

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng imbestigasyon ang Digos City Police upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek. Patuloy ding nananawagan ang mga residente at simbahan ng hustisya para sa kapitan, na kilala sa kanyang matapang na paninindigan laban sa katiwalian at pamumulitika.

Ang insidente ay nagdulot ng matinding pagkabigla sa komunidad, lalo na’t nangyari ito nang live at napanood ng maraming netizens. Maraming nanawagan ng mas mahigpit na seguridad para sa mga lokal na opisyal na lantad sa banta dahil sa kanilang mga pampublikong pahayag.

Larawan mula MindanaoJuan News Online