Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Masahol pa sa DPWH!’ BIR execs, kumukubra ng 70% sa tax collections — Ejercito

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-26 17:12:28 ‘Masahol pa sa DPWH!’ BIR execs, kumukubra ng 70% sa  tax collections — Ejercito

NOBYEMBRE 26, 2025 — Nagbunyag si Senador JV Ejercito ng umano’y malawakang katiwalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kung saan sinasabing 70 porsyento ng nakokolektang buwis sa ilalim ng letter of authority (LOA) ay hindi napupunta sa kaban ng bayan kundi sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal.

Ayon sa senador, inaasahan ng BIR na makakakolekta ng P6 bilyon mula sa mga tinukoy na tax deficiencies, ngunit P2 bilyon lamang ang naitala. Ang malaking agwat ay indikasyon umano ng sistematikong pandarambong. 

“Masahol pa sa DPWH!” aniya, na tumutukoy sa isyu ng Department of Public Works and Highways kung saan 30 porsyento ng pondo sa mga proyekto ang napupunta sa mga tiwaling opisyal. 

Binanggit ni Ejercito na ginagamit ng ilang revenue examiners ang LOA bilang sandata sa panggigipit sa mga negosyo. Sa halip na makatulong sa gobyerno, nagiging paraan ito ng pang-aabuso. 

“They are weaponizing the letter of authority for corruption,” giit niya. 

(Ginagamit nila ang letter of authority bilang sandata ng korapsiyon.)

Isang halimbawa ang motovlogger na si Jet Lee, na umano’y pinilit magbayad ng P3 milyon mula sa orihinal na demand na P10 milyon. Ang insidente ay patunay, ayon kay Ejercito, na hindi lamang malalaking kumpanya kundi pati maliliit na negosyante ang target ng pangha-harass.

Dagdag pa ng senador, may mga reklamo ring natanggap mula sa mga dayuhang mamumuhunan at embahada hinggil sa extortion ng ilang tauhan ng BIR. Ang ganitong gawain, aniya, ay nagdudulot ng pangamba sa mga negosyante at nakasisira sa imahe ng bansa bilang ligtas na lugar para sa pamumuhunan.

Sa kabila ng mga pahayag, nanindigan si Ejercito na suportado niya ang anumang hakbang ng gobyerno para magpalakas ng kita, ngunit iginiit na hindi dapat gawing kasangkapan ang mga ito para sa personal na interes ng ilang opisyal.

Ang pagbubunyag ng senador ay muling nagbukas ng usapin sa lawak ng katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.



(Larawan: Senate of the Philippines)