Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Most winnable’ slate para sa Halalan 2028, binubuo na ni Hontiveros — hindi lahat Kakampink

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-26 19:27:56 ‘Most winnable’ slate para sa Halalan 2028, binubuo na ni Hontiveros — hindi lahat Kakampink

NOBYEMBRE 26, 2025 — Sa gitna ng maagang usapan tungkol sa susunod na pambansang halalan, inilatag ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros ang plano para sa pagbubuo ng pinakamalakas na hanay ng oposisyon sa 2028.

Ayon kay Hontiveros, hindi sapat na umasa lamang sa iisang grupo ng mga taga-suporta. 

"These are the forces na I'm really working with to hopefully unify the opposition and beyond, hindi lang 'yung mga Kakampinks. Plus-plus talaga ang kailangang magkaisa para lumaban at para manalo," aniya. 

Bagaman matatapos na ang kanyang termino bilang senador sa 2028, bukas si Hontiveros sa posibilidad ng mas mataas na posisyon — pangulo o pangalawang pangulo. 

"My plans that I'm implementing right now are to work on unifying the opposition para mag-rally around kami sa strongest, most popular, most winnable possible slate namin of candidates for 2028," pahayag niya. 

Samantala, muling binuhay ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang panawagan para kay Naga City Mayor Leni Robredo na tumakbo ulit sa pagkapangulo. Sa kanyang Facebook post noong Nobyembre 21, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng tapat na pamumuno sa gitna ng kontrobersya sa flood control projects. 

"At sa panawagan na 'Bbm resign' naman, mas gugustuhin ko na ang panawagan na kumbinsihin natin lahat si Leni na magbago ng isip, tumakbo muli bilang Pangulo sa susunod na halalan at sama sama natin idalangin na pumayag sya para sa bayan, para sa tapat at totoong pamumuno," pahayag niya.

Matatandaang parehong natalo sina Robredo at Pangilinan sa 2022 elections, ngunit bumalik sa politika noong 2025 — si Robredo bilang unang babaeng alkalde ng Naga at si Pangilinan bilang senador. 

Nang maghain ng kandidatura si Robredo bilang mayor, iginiit niyang hindi niya gagamitin ang posisyon bilang tulay para sa mas mataas na puwesto. 

"Hindi ako magiging effective mayor kung ang iniisip ko lang ay 'yung 2028," aniya. 



(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)