P807k halaga ng ‘kush’ na isinilid sa Labubu dolls, nasabat ng BOC
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-26 17:15:09
NOBYEMBRE 26, 2025 — Isang padala mula Hong Kong na nakatakdang ihatid sa Biñan, Laguna ang naharang ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark matapos matuklasang naglalaman ito ng 538 gramo ng high-grade marijuana o “kush” na tinatayang nagkakahalaga ng P807,000. Ang kontrabando ay itinago sa loob ng mga stuffed toy na Labubu, kilalang collectible sa merkado.
Dumating ang kargamento noong Nobyembre 15 at agad na nakapukaw ng atensyon ng mga tauhan ng BOC nang dumaan sa X-ray scanner. Lumabas sa imahe ang hindi pangkaraniwang hugis at densidad na hindi tumutugma sa deklarasyong “keychains.” Dahil dito, isinailalim ang package sa masusing pagsusuri.
Kasunod ng K-9 sniff test, nag-positibo ang parcel sa presensya ng ipinagbabawal na droga. Nang buksan, natagpuan ang apat na sachet ng kush na nakasiksik sa loob ng dalawang stuffed Labubu toys.
Ang mga laruan, na gawa ng artist na si Kasing Lung at inilalabas ng Pop Mart, ay sikat sa mga kolektor dahil sa kakaibang disenyo at limitadong edisyon — katangian na sinamantala ng mga nagpuslit.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, “We will continue working with our law enforcement partners to protect our people and uphold public safety.”
(Patuloy kaming makikipagtulungan sa ating mga katuwang sa pagpapatupad ng batas upang protektahan ang mamamayan at panatilihin ang kaligtasan ng publiko.)
Dagdag pa ni District Collector Jairus Reyes, “The Port of Clark maintains a heightened watch against any form of drug smuggling. Our proactive operations safeguard the public from the harms of illegal drugs and contribute to building safer communities.”
(Patuloy na mahigpit ang pagbabantay ng Port of Clark laban sa anumang uri ng pagpupuslit ng droga. Ang aming maagap na operasyon ay nagpoprotekta sa publiko laban sa pinsala ng ilegal na droga at tumutulong sa pagbuo ng mas ligtas na mga komunidad.)
Binibigyang-diin ng insidente ang mas malikhaing pamamaraan ng mga sindikato sa pagtatago ng kontrabando. Sa kabila nito, nananatiling matatag ang BOC sa paggamit ng makabagong teknolohiya at K-9 units upang matukoy ang mga mapanlinlang na taktika.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon upang matukoy ang nasa likod ng tangkang pagpupuslit.
(Larawan: Radyo Pilipinas | Facebook)
