Sen. Chiz, humanga kay PBBM sa pagpapasampa ng kaso laban sa mga opisyal na sangkot sa anomalya ng ‘flood control projects’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-26 23:24:08
MANILA, Philippines — Pinuri ni Senador Francis “Chiz” Escudero si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) matapos nitong ipag-utos ang pagsasampa ng kaso laban kina dating Speaker Martin Romualdez, dating Kinatawan Zaldy Co, at iba pang opisyal na umano’y nasasangkot sa kontrobersyal na anomalya sa mga proyekto ng flood control at ilang imprastraktura ng pamahalaan. Ayon kay Escudero, ang hakbang ng Pangulo ay nagpapakita ng tunay na intensiyong papanagutin ang sinumang lumalabag sa batas — kahit pa malapit sa kapangyarihan.
Giit ni Escudero, “Naririnig natin ang mga pangako laban sa korapsyon, pero bihirang makita ang malinaw na aksyon. Sa pagkakataong ito, makabuluhan ang ginawa ni Pangulo Marcos dahil hindi niya pinili o pinrotektahan ang mga nasasangkot.” Dagdag pa niya, mahalagang matapos ang imbestigasyon at masampahan ng tamang kaso kung mapapatunayan ang mga paglabag.
Tiniyak ni PBBM na lahat ng ebidensiyang nakalap mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay isusumite sa Office of the Ombudsman upang masuri at masampahan ng nararapat na kaso. Posibleng humantong ang mga reklamo sa plunder, anti-graft violations, o indirect bribery depende sa resulta ng imbestigasyon.
Pinuri rin ng ilang sektor ang aksyon ng Pangulo dahil nagpapakita umano ito ng mensaheng walang “holy cows” o untouchables sa kampanya laban sa katiwalian. Nanawagan naman si Escudero sa publiko at mga ahensya ng gobyerno na suportahan ang patas at mabilis na imbestigasyon upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan, inaabangan ng publiko kung magiging epektibo at tuloy-tuloy ang mga hakbang na ito, at kung hahantong sa aktwal na pananagutan ang mga dating opisyal na sangkot sa umano’y anomalya. (Larawan: Chiz Escudero / Facebook)
