Teacher patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Laur; selos tinitingnang motibo
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-26 08:43:19
LAUR, Nueva Ecija — Patay ang isang guro matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bayan ng Laur, Nueva Ecija, noong Nobyembre 4, 2025. Kinilala ang biktima na si Mark Christian Malaca, 39-anyos, residente ng Barangay San Fernando, Laur.
Ayon sa ulat ng Laur Police Station, pauwi na si Malaca mula sa trabaho bandang alas-4:45 ng hapon nang harangin siya ng dalawang armadong suspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay San Juan. Pinagbabaril siya ng mga ito at nagtamo ng limang tama ng bala, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay. Tumakas ang mga suspek matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na posibleng motibo ng pamamaril ay personal na selos, dahil isa sa mga suspek ay umano’y may pagkagusto sa asawa ng biktima. Ito ang lumutang na anggulo matapos makapanayam ng pulisya ang ilang saksi at kaanak ng guro.
Sinabi ng pamilya ni Malaca na wala silang alam na kaaway o banta sa kanyang buhay. Bukod sa pagiging guro, aktibo rin siya bilang church worker, kaya’t ikinagulat ng komunidad ang kanyang pagkamatay.
Tatlong suspek ang kinasuhan ng murder ng Laur Police Station, at kasalukuyan nang isinasagawa ang manhunt operation upang maaresto ang mga tumakas na salarin. Nag-alok din ng pabuya ang lokal na pamahalaan para sa impormasyon na makapagtuturo sa mga responsable.
Mariing kinondena ng Diocese of Cabanatuan ang pamamaslang at nanawagan ng hustisya para kay Malaca. Ayon sa pahayag ng simbahan, “We strongly condemn the killing of a teacher and church worker. We call on authorities to bring justice to the victim and his family.”
Samantala, nagpaalala ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon at agad iulat ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagdakip sa mga suspek.
