Tingnan: Manila, naglunsad ng ‘TrikeTuklas’ para sa mga bata sa District I – Brgy. 11, Zone 2
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-26 00:04:10
MANILA — Inilunsad ng Manila City Library ang “TrikeTuklas” Mobile Learning Service sa District I—Barangay 11, Zone 2, bilang bahagi ng proyektong naglalayong dalhin ang mga aklat at iba pang edukasyonal na materyales direkta sa mga komunidad.
Ang TrikeTuklas ay isang tricycle-turned-mobile library na naglalaman ng iba’t ibang babasahin, kabilang ang children’s books, educational materials, at learning tools na maaaring gamitin ng mga residente, lalo na ng mga kabataan. Layunin nitong palawakin ang akses sa pagbabasa at kaalaman, partikular sa mga lugar na kakaunti ang mapuntahang learning facilities.
Ayon sa Manila City Library, isa sa mga pangunahing adhikain ng programa ang palakasin ang kultura ng pagbabasa at pagkatuto sa mga kabataang Manileño, at masuportahan ang edukasyon sa komunidad, kahit wala sa loob ng paaralan.
Nais ng proyektong TrikeTuklas na magsilbing mobile learning hub na magdadala ng serbisyo tulad ng storytelling sessions, educational literacy activities, at pagbibigay ng libreng pagbasa at pagpapahiram ng aklat.
Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na suportahan ang programa at samantalahin ang libreng serbisyong pang-edukasyon. (Larawan: Manila PIO / Facebook)
