VP Sara Duterte kinumpirmang handa siya kung papalitan si PBBM
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-26 08:43:18
MANILA, Pilipinas — Ipinahayag ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na handa siyang gampanan ang tungkulin bilang Pangulo ng bansa sakaling bumaba si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gitna ng mga kontrobersya hinggil sa umano’y korapsyon at alegasyon ng paggamit ng droga.
Sa isang ambush interview sa Davao City, direkta siyang tinanong kung handa ba siyang pumalit kay Marcos. Sagot niya: “There is no question about my readiness. I presented myself to you when I was a candidate for vice president with the understanding that I am the first in line in succession.” Dagdag pa niya, “Of course. There is no question about my readiness.”
Ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang grupo at personalidad na magbitiw si Marcos Jr. dahil sa mga alegasyon ng multi-billion peso flood control anomalies at sa kontrobersyal na pahayag ni Senadora Imee Marcos na ang kanyang kapatid at si First Lady Liza Araneta-Marcos ay gumagamit umano ng droga.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Vice President ang awtomatikong papalit sa Pangulo sakaling ito ay magbitiw, maalis sa puwesto, o hindi na makapagsilbi. Binanggit ni Duterte na ang kanyang kahandaan ay bahagi ng mandato na kanyang tinanggap nang tumakbo bilang pangalawang pangulo.
“Pinresenta ko sa inyo, tumakbo ako bilang vice president. Alam ko na first in line ako sa succession. Wala nang tanong dun kung ano ang gagawin ko,” aniya.
Noong nakaraang linggo, sinabi rin ni Duterte na ang kasalukuyang administrasyon ay dumaranas ng “profound crisis of confidence” dahil sa mga kontrobersya.
Samantala, nananatiling matatag ang Malacañang sa pagtanggi sa mga alegasyon laban kay Marcos Jr., at iginiit na ang mga ito ay pamumulitika lamang. Gayunman, ang pahayag ni Duterte ay nakikitang indikasyon ng kanyang kahandaan na pamunuan ang bansa sa gitna ng krisis sa pamahalaan.
