VP Sara, nagbigay ng ₱1-milyon na dagdag pabuya para mahuli ang suspek sa kapitang pinaslang habang nanaka-live sa facebook
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-26 23:15:04
DAVAO — Nagbigay si Vice President Sara Duterte ng ₱1 milyon bilang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na tutukoy at magtuturo sa suspek na bumaril at pumatay sa isang barangay kapitan sa Digos City, Davao del Sur, habang ito ay naka-livestream sa Facebook.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Office of the Vice President (OVP), ang kontribusyon ni VP Sara ay bahagi ng pagtulong sa Davao del Sur Police Provincial Office upang mapabilis ang imbestigasyon at matiyak ang agarang pagkakadakip sa salarin.
Nilinaw din ng OVP na walang anumang katapat na interes ang pabuya maliban sa pagsuporta sa paghahanap ng hustisya para sa biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, ang kapitan ay nasa loob mismo ng kaniyang tahanan nang pasukin ng hindi pa nakikilalang salarin. Bigla itong pinaputukan habang nakaharap sa kamera at aktibong nakikipag-usap sa mga manonood sa Facebook Live. Agad na nagdulot ng takot at pagkabahala ang insidente, dahil kitang-kita ang pamamaril sa live broadcast na umani ng libo-libong reaksyon online.
Dahil sa tindi ng krimen at public exposure ng pangyayari, nanawagan si VP Sara sa publiko na makipagtulungan, lalo na ang sinumang may nalalaman sa motibo at pagkakakilanlan ng salarin.
“Ang pabuya ay isang panawagan para sa hustisya at kaligtasan. Ang krimeng ito ay hindi dapat palagpasin,” giit ng OVP.
Patuloy ang operasyon at imbestigasyon ng mga awtoridad, habang pinalalakas ang seguridad sa mga lokal na opisyal upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. (Larawan: Inday Sara Duterte / Facebook)
