Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Hindi dapat ganito kamahal ang bigas' — Liza Marcos, idinawit ni Zaldy Co sa rice importation

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-27 11:43:48 'Hindi dapat ganito kamahal ang bigas' — Liza Marcos, idinawit ni Zaldy Co sa rice importation

NOBYEMBRE 27, 2025 — Binulabog ni dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co ang publiko matapos niyang idawit si First Lady Liza Araneta-Marcos sa usapin ng importasyon ng bigas — isang isyu na aniya’y dahilan kung bakit nananatiling mataas ang presyo sa merkado kahit ibinaba na ang taripa.

Sa ikatlong bahagi ng kanyang serye ng video, inilahad ni Co na noong Abril 2023 ay iminungkahi niya kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pag-angkat ng 13 milyong metriko tonelada ng bigas upang maibaba ang presyo sa P22 kada kilo. Ngunit ayon sa kanya, hindi ito inaprubahan ng Pangulo.

“Pero hindi po ito inaprubahan ng Pangulo noong sila ay nasa Clark. Dahil dun sumipa ang presyo ng bigas na umabot ng P55 kada kilo hanggang 2024,” ani Co. 

Noong sumunod na taon, muling lumapit si Co kay Romualdez upang makausap ang mga economic managers, kabilang sina Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel at Finance Sec. Ralph Recto. Layunin niyang ibaba ang taripa mula 35% tungo sa 15%.

“Siguradong magagalit na ang taumbayan. Posibleng mag-rebolusyon na ang mga tao at tiyak na maaapektuhan dito ang mga kandidato ng administrasyon sa 2025 elections,” babala ni Co. 

Matapos ang ilang pagpupulong, pumayag ang economic managers na ibaba ang taripa. Ngunit kahit lumipas ang apat hanggang anim na buwan, nanatiling mataas ang presyo ng bigas. Dahil dito, iminungkahi ni Co na magsagawa ng imbestigasyon sa Kamara sa pamamagitan ng Quinta committee hearings na pinamunuan ni Albay Rep. Joey Salceda.

Ayon kay Co, natigil ang imbestigasyon nang ilabas ni Sec. Laurel ang isang umano’y confidential report na nag-uugnay sa First Lady sa mga rice importers.

“Nakasaad dito na si First Lady Liza Marcos mismo ang may hawak sa mga rice importers. Ayon kay Sec. Laurel maaapektuhan daw ang First Lady kung itutuloy ang imbestigasyon dahil kasama raw nila sa Vietnam visit ang ilang importer ng bigas at nag-dinner pa raw sila roon,” pahayag ni Co. 

Dagdag pa ni Co, mismong si Rep. Sandro Marcos ang tumawag kay Romualdez upang ipatigil ang imbestigasyon, alinsunod sa utos ng Pangulo. Sa parehong araw, pinagalitan umano ni Romualdez si Laurel dahil sa paglalabas ng sensitibong dokumento.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Co na doon nila naunawaan kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas kahit ibinaba na ang buwis sa importasyon.

“Doon namin naintindihan kung bakit kahit ibinaba na ang import tax ng bigas mula 35% to 15% ay hindi pa rin bumababa ang presyo sa merkado dahil pala sa dami ng SOP at remittance na ipinapasa sa bawat transaksyon,” aniya. 

Hindi lamang bigas ang kanyang tinukoy. Ayon kay Co, kontrolado rin ng iilang kompanya ang importasyon ng isda, dahilan ng patuloy na mataas na presyo ng galunggong.

“Mga kababayan, hindi dapat naghihirap ang Pilipinas. Hindi dapat ganito kamahal ang mga pangunahing bilihin katulad ng bigas. At higit sa lahat, hindi dapat nagugutom ang mga Pilipino,” giit ni Co. 

Binigyang-diin ni Co na ang pinakamakapangyarihang pamilya mismo ang sangkot sa sistemang ito.

“Masakit man tanggapin pero ito ang katotohanan. Ang pinaka makapangyarihang pamilya pa mismo ang sangkot sa ganitong sistema. Mula sa Pangulo, First Lady, hanggang sa anak, sila mismo ang nagtatakda, kumokontrol, at nakikinabang sa mga transaksyon na dapat sana ay para sa kapakanan ng sambayanan,” aniya. 



(Larawan: @ptvph | Instagram)