Buko vendor na wow mali ng pulubing inakalang vlogger
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-27 08:59:10
MUBU, Masbate — Isang vendor ng buko juice ang nabiktima ng maling akala matapos ipagpalagay na ang isang pulubi na lumapit sa kanya ay isang content creator na gumagawa ng social experiment.
Sa kanyang Facebook post, ikinuwento ng vendor na si Benji na habang nagbebenta siya ng buko juice sa pantalan, may lumapit sa kanya na lalaking pulubi at humingi ng limos.
Dahil si Benji ay isa ring content creator, inakala niya na ang pulubi ay isang vlogger na nagsasagawa ng eksperimento at naisip niyang bibigyan siya ng mas malaking halaga kapalit ng kanyang tulong.
Nagbigay si Benji ng ₱500, na siya ring kabuuang benta niya sa araw na iyon. Sinuklian naman siya ng pulubi ng isang ngiti, ngunit hindi siya ininterbyu gaya ng kanyang inaasahan. Matapos ang ilang minuto, nanatiling nakatayo ang pulubi kaya nilapitan ni Benji, subalit umatras ito, tumalikod, at naglakad palayo.
Ayon pa kay Benji, hinabol niya ang pulubi ngunit mabilis itong tumakbo at hindi na niya naabutan. Doon lamang niya napagtanto na ang pulubi ay tunay na namamalimos at hindi isang vlogger na gumagawa ng content. “Akala ko po social experiment lang, pero totoo palang pulubi siya. Naisip ko, lahat ng benta ko sa buko juice, naibigay ko na,” ani Benji sa kanyang post.
Sa kabila ng nangyari, nagpasalamat pa rin si Benji dahil may natira siyang gas sa kanyang motor at nakauwi siya nang ligtas. Ang kanyang karanasan ay mabilis na kumalat sa social media at nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens — may mga natuwa sa kanyang kabutihang-loob, habang ang iba naman ay nagpaalala na maging maingat sa mga maling akala.
Larawan mula kay Benjie Torres
