DPWH, ICI irekomenda ang plunder, anti-graft cases laban kay Martin Romualdez
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-27 08:59:08
MANILA, Pilipinas — Inirekomenda ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng mga kasong plunder, violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at direct bribery laban kay dating House Speaker at kasalukuyang Leyte Representative Martin Romualdez, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Ayon kay Dizon, malinaw na nakasaad sa kanilang referral report ang mga kasong inirerekomenda laban kay Romualdez at iba pang sangkot sa kontrobersyal na flood control projects.
“Ang wala lang po diyan na hindi pa namin marekomenda is ‘yung malversation against speaker Martin Romualdez kasi kailangan pa po ng dagdag na ebidensya [para] ma-establish na may malversation,” pahayag ng kalihim sa panayam sa programang Ted Failon and DJ Chacha sa True FM.
Kasama sa rekomendasyon ng DPWH at ICI ang mga kontrata na tinatayang nagkakahalaga ng ₱100 bilyon mula 2016 hanggang 2025, na nakuha ng mga kumpanyang Sunwest Corporation at Hi-Tone Construction, na konektado kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Ang mga ebidensya ay isinampa sa Ombudsman noong Nobyembre 21, kabilang ang mga sworn testimonies na lumabas sa Senate Blue Ribbon Committee hearings, partikular na ang kay Orly Guteza na naglantad ng umano’y kickbacks sa flood control projects.
Naglabas din ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagsabing iniutos niya sa DPWH at ICI na isumite ang lahat ng ebidensya sa Ombudsman upang masuri at matukoy kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng mga kasong kriminal.
“The Ombudsman would review the material and determine whether plunder, anti-graft or bribery cases should be filed,” ani Marcos sa isang video message.
Samantala, lumutang ang usap-usapan hinggil sa umano’y “special treatment” kay Romualdez matapos hindi agad natukoy ang mga kasong inirekomenda laban sa kanya sa mga naunang ulat. Nilinaw ni Dizon na walang pinapaboran sa kanilang imbestigasyon at lahat ng ebidensya ay isinumite nang buo sa Ombudsman. “Hindi namin sasabihing recommended kung wala kaming nakikitang basehan,” giit ng kalihim.
