Diskurso PH
Translate the website into your language:

E-bikes, e-trikes bawal na sa major roads simula Dec. 1 — DOTr

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-27 19:35:57 E-bikes, e-trikes bawal na sa major roads simula Dec. 1 — DOTr

NOBYEMBRE 27, 2025 — Simula Disyembre 1, hindi na papayagang dumaan sa mga pangunahing kalsada ang mga e-bike at e-trike. Ito ang naging desisyon ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) matapos ang deliberasyon sa Senado kaugnay ng panukalang budget ng ahensya para sa 2026.

Ayon kay Senador JV Ejercito, na nagsilbing sponsor ng budget ng DOTr, hindi agad huhulihin ang mga gumagamit ng naturang sasakyan. Sa halip, magsasagawa muna ng malawakang kampanya sa impormasyon upang ipaalam sa publiko ang bagong patakaran. 

“By December 1, mag-iinfo drive muna sila, mag-iikot, sasabihan po muna lahat na nakikita. So bibigyan muna nila ng tsansa malaman po lahat, information campaign. Bago po sila manghuli. Warning po muna,” ani Ejercito. 

Itinulak ang usapin matapos magtanong si Senador Raffy Tulfo hinggil sa regulasyon sa paggamit ng e-bike at e-trike. Ayon sa kanya, dumarami ang reklamo laban sa mga ito, at tila sila na raw ang bagong “hari ng kalsada.” 

“Lumalala po yung problema sa e-bike and itong mga nag-e-bike of course nagsasakay sila mga pasahero, walang mga lisensya, at of course dahil hindi sila rehistrado sa LTO, wala din po silang insurance, third party liability, so kapag sila po ay nakasagasa then sorry na lang,” wika ni Tulfo. 

Ipinaliwanag ni Ejercito na ang kalituhan ay nag-ugat sa pagbibigay ng prangkisa ng ilang Local Government Units (LGUs). Gayunman, iginiit niyang hindi rehistrado ang mga ito sa LTO at hindi dapat dumadaan sa mga pangunahing lansangan. Pinapayagan lamang silang gumamit ng mga kalsada sa loob ng barangay at subdivision.

Nagpahayag din si Tulfo na wala siyang personal na pagtutol sa paggamit ng e-bike, lalo’t ito ay hanapbuhay ng ilan. 

“Don’t get me wrong. I don’t have anything against sa e-bike. Ito po ay ginagawang hanapbuhay ng iba nating mga kababayan,” aniya. 

Sa plano ng DOTr, makikipag-ugnayan ang LTO sa LGUs upang ang mga lokal na traffic enforcer ang magpabatid sa mga operator ng e-bike at e-trike. Bukod dito, nakatakdang magsagawa ng konsultasyon sa publiko para talakayin ang kaligtasan, posibleng pagpaparehistro, at pagbibigay ng lisensya sa mga gumagamit ng naturang sasakyan.



(Larawan: Philippine News Agency)