Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘I was disheartened’; Gardiola, pinabulaanan ang pagkakasangkot sa flood scam

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-27 18:36:25 ‘I was disheartened’; Gardiola, pinabulaanan ang pagkakasangkot sa flood scam

NOBYEMBRE 27, 2025 — Sumagot na si Construction Workers Solidarity (CWS) Party-list Rep. Edwin Gardiola sa mga paratang kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyektong pangkontrol ng baha. Sa isang pahayag na inilathala sa Facebook, mariin niyang itinanggi ang pagkakasangkot sa kontrobersiya.

"I was disheartened to hear my name mentioned on alleged irregularities in flood control projects. To be implicated in such matters is painful, not only for myself, but also for the people I have pledged to serve with integrity," aniya. 

(Nalungkot ako nang marinig na nadawit ang aking pangalan sa umano’y iregularidad sa mga proyekto sa flood control. Masakit na maipit sa ganitong usapin, hindi lamang para sa akin, kundi para rin sa mga taong pinangako kong paglilingkuran nang may integridad.)

Dagdag pa niya: "I categorically deny any involvement in the acts being alleged. These claims are untrue." 

(Mariin kong itinatanggi ang anumang kaugnayan sa mga ikinakalat na paratang. Hindi totoo ang mga ito.)

Ang kanyang pahayag ay lumabas makalipas ang walong araw mula nang pangalanan siya ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste bilang pangunahing kontraktor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Kongreso. Ayon kay Leviste, sangkot umano si Gardiola sa “pre-ordering” ng P20 bilyong kontrata sa pambansang budget para sa 2025.

Bukod dito, tinukoy rin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si Gardiola bilang kabilang sa walong kongresistang dapat kasuhan. Ang grupo ay tinaguriang “cong-tractors” dahil sa umano’y koneksyon nila sa mga kompanyang pangkonstruksyon. Sa kaso ni Gardiola, ikinabit ang kanyang pangalan sa Newington Builders, Inc., Lourel Development Corporation, at S-Ang General Construction & Trading Inc.

Sa kanyang panig, iginiit ni Gardiola: "As a public servant, I am accountable to the people. That is why I welcome the chance to face the witness who implicated me, but in the proper forum and under proceedings where my constitutional rights are respected." 

(Bilang lingkod-bayan, may pananagutan ako sa taumbayan. Kaya’t handa akong harapin ang saksi na nagdawit sa akin, ngunit sa tamang proseso at sa ilalim ng pagdinig na iginagalang ang aking karapatan sa Konstitusyon.)

Binigyang-diin pa niya na ang kanyang trabaho ay nakabatay sa paglilingkod, hindi pansariling interes, at naniniwala siyang sa huli ay mananaig ang katotohanan at hustisya.



(Larawan: Edwin Gardiola | Facebook)