Imee Marcos: Laos na ang Coldplay kaya dapat mura lang ang concert ticket
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-27 08:59:16
MANILA, Pilipinas — Sa deliberasyon ng Senado para sa badyet ng Department of Trade and Industry (DTI), binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang umano’y sobrang taas ng presyo ng concert tickets ng mga international artists sa Pilipinas, kabilang ang Coldplay, at ang kawalan ng regulasyon laban sa mga scalpers na patuloy na nananamantala sa mga concert goers.
Ayon kay Tulfo, ang presyo ng Coldplay tickets sa South Korea ay nasa ₱5,885, ngunit sa Pilipinas ay umabot ng halos ₱15,000, halos triple ng halaga. “Again, palagi nangunguna ang Pilipinas pagdating sa pinakamahal na concert tickets… Pero this time ayokong lamang tayo. Dapat pataas. So this is something that DTI has to look into. Siguraduhin ko na ang DTI talagang investigahan yan at hindi dapat yan palaganapin,” ani Tulfo.
Sumang-ayon naman si Senadora Imee Marcos, na nagsabing hindi dapat ganoon kamahal ang Coldplay tickets dahil “medyo laos na rin sila e. Naabutan ko pa ‘yun e kaya sana mas mura ng kaunti.” Dagdag pa niya, ang sobrang mahal na presyo ay tila panloloko sa kabataan na handang gumastos para sa kanilang mga idolo.
Binatikos din ni Tulfo ang DTI sa kawalan ng monitoring sa mga official ticket retailers, dahilan kung bakit patuloy ang pamamayagpag ng scalpers. Ayon sa senador, nakarating sa kanya ang reklamo mula sa fans ng Blackpink concert sa Bulacan, kung saan ang suggested retail price (SRP) ng VIP seat na ₱19,500 ay ibinenta ng scalpers sa halagang ₱60,000. Paliwanag niya, gumagawa ng maraming online accounts ang scalpers upang makabili ng bulto-bultong tickets na kanilang ibinebenta sa mas mataas na presyo.
Sa deliberasyon ng proposed 2026 budget ng DTI noong Nobyembre 26, mismong si Senadora Marcos, bilang budget sponsor, ang umamin na hindi sakop ng Consumer Protection Act ang naturang transaksyon dahil customer-to-customer umano ito at hindi business-to-customer.
Bwelta ni Tulfo, hindi ito katanggap-tanggap at iginiit na maaaring makipag-Memorandum of Agreement (MoA) ang DTI sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matrackdown online ang mga scalpers na gumagamit ng multiple accounts at magsagawa ng digital surveillance para mahuli agad ang mga ito.
Dagdag pa ni Tulfo, nangunguna ang Pilipinas sa pagbebenta ng ubod ng mahal na concert tickets kumpara sa ibang bansa. Binanggit niya ang concert ni J-Hope ng BTS, kung saan ang VIP ticket sa Indonesia ay nasa ₱14,000, samantalang sa Pilipinas ay umabot ng ₱22,600. Ganito rin ang kaso sa Coldplay concert, na mas mura sa Korea ngunit triple ang presyo sa bansa.
