Jinggoy, inatasan ng Sandiganbayan na magsumite ng detalye, dokumento para sa travel request — papayagan kayang makalipad?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-27 18:38:20
NOBYEMBRE 27, 2025 — Tinutulan ng mga piskal ng pamahalaan ang kahilingan ni Senador Jose “Jinggoy” Estrada na makalabas ng bansa sa darating na Disyembre hanggang Enero, dahil sa mga nakabinbing kaso at bagong imbestigasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang proyekto sa flood control.
Sa pagdinig nitong Huwebes, Nobyembre 27, iginiit ng prosekusyon sa Sandiganbayan na hindi dapat payagan ang senador na bumiyahe dahil kabilang siya sa mga iniimbestigahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon sa kanila, "The Independent Commission for Infrastructure (ICI) has requested the inclusion of Senator Estrada in the look-out bulletin order because of his alleged involvement in the flood control scam. We would like this court to caution against granting the motion."
(Hiniling ng Independent Commission for Infrastructure na isama si Senador Estrada sa lookout bulletin order dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa flood control scam. Nais naming pag-ingatan ng hukuman ang pagbibigay ng pahintulot sa mosyon.)
Batay sa mosyon ng kanyang kampo, nakatakda sanang bumiyahe si Estrada sa Japan mula Disyembre 26 hanggang 31, 2025, at sa Norway, Iceland, at Austria mula Enero 5 hanggang 15, 2026. Dumalo siya sa pagdinig sa pamamagitan ng video conference.
Inatasan ng Fifth Division ng Sandiganbayan, sa pangunguna ni Associate Justice Gener Gito, ang kampo ng senador na magsumite ng kompletong dokumento gaya ng itinerary, hotel booking, travel authority, at affidavit of undertaking sa loob ng limang araw.
Bagama’t naabsuwelto na si Estrada sa kasong plunder kaugnay ng paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2004, nananatili pa rin ang 11 bilang ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Iniuugnay sa kanya ang P183,793,750 na umano’y napunta sa mga pekeng NGO ni Janet Lim Napoles.
Bukod dito, idinadawit siya sa flood control projects matapos akusahan ng dating inhinyero ng DPWH Bulacan na si Henry Alcantara na tumanggap umano ng kickbacks ang ilang senador, kabilang si Estrada. Mariin naman itong itinanggi ng senador at sinabing walang basehan ang mga paratang.
Sa hiwalay na pahayag, binigyang-diin ni Estrada na ang mga akusasyon ay "malicious" at "outright lies." Dagdag pa niya, siya raw ang “pinaka-madaling target” sa mga kasong korapsyon dahil sa kanyang “past issues.”
Sa ngayon, nakabitin pa rin ang desisyon ng Sandiganbayan kung papayagan ang senador na makalabas ng bansa habang patuloy ang imbestigasyon sa flood control anomaly at nakabinbin ang mga kasong graft laban sa kanya.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
