Lalaki timbog sa pananakot sa mga dalagita, kaanak na magpadala ng maseselang video
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-27 20:09:38
NOBYEMBRE 27, 2025 — Nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) Human Trafficking Division ang isang lalaki na umano’y nanlilinlang at nananakot sa mga kabataang babae upang makakuha ng malalaswang larawan at video. Isa sa mga biktima ay kamag-anak pa ng suspek, ayon sa imbestigasyon.
Sa operasyon ng NBI, aktuwal na naabutan ang suspek habang pinipilit ang dalagitang kaanak na magpadala ng maseselang materyal.
“Naaktuhan natin yung aktual na pananakot doon sa subject. Sa chat messages, may pinagagawa siyang sexual act … otherwise, i-upload daw niya ang mga previous sex video ng bata sa isang online platform,” pahayag ni Rosalie Laguardia, hepe ng NBI Human Trafficking Division.
Dagdag pa ni Laguardia, matagal nang ginagamit ng suspek ang taktika ng “grooming” upang unti-unting makuha ang tiwala ng mga bata.
“Ang grooming ay isang predatory act kung saan nag-e-establish ng relationship ang suspek sa victim,” paliwanag niya.
Lumabas sa imbestigasyon na kapag nakakuha na ng tiwala at maselang video, ibinabahagi umano ng suspek ang mga ito sa isang online pedophile group.
“Ayon sa imbestigasyon, may nakuha tayong grupo sa isang online platform — considered as pedophile group — kung saan miyembro ang subject. Hindi niya inaamin na binebenta niya ang video, pero may indicators tayo,” ani pa ni Laguardia.
Itinanggi ng suspek ang pagbebenta ng mga video, ngunit lumitaw na pito ang posibleng biktima — pawang mga high school students na ngayon ay tinutukoy ng NBI.
Nagbabala rin ang NBI sa mga magulang na maging mapagmatyag sa pagbabago ng ugali ng kanilang mga anak.
“Sa mga magulang na may anak na babae, kapag may malaking pagbabago sa ugali o kilos, kausapin niyo sila. Maaaring inaabuso na sila online,” babala ni Laguardia.
Kinasuhan ang suspek sa ilalim ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act of 2022.
(Larawan: Pexels)
