Pasig RTC iniutos ang paglipat kay Alice Guo, iba pa sa CIW sa Mandaluyong
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-27 19:09:04
NOBYEMBRE 27, 2025 — Tinanggihan ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 ang mosyon ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na manatili sa Pasig City Jail Female Dormitory. Sa halip, ipinag-utos ng korte ang kanyang paglilipat sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City, ayon sa Bureau of Corrections nitong Huwebes.
Ang desisyon ay kasunod ng hatol noong Nobyembre 20 kung saan si Guo at pitong iba pa ay napatunayang guilty sa qualified trafficking in persons at iba pang kaugnay na kaso. Ang lahat ay hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong at pinagmulta ng tig-P2 milyon, bukod pa sa pagbabayad ng danyos sa mga biktima.
Kasama sa mga lilipat sa CIW sina Rachelle Joan Malonzo Carreon at Jamielyn Santos Cruz. Ang iba pang co-accused na sina Walter Wong Rong, Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang, at Lang Xu Po ay nahatulan din ng parehong parusa.
Sa inilabas na commitment order ni Presiding Judge Annilyn Medes-Cebelis, nakasaad: “Now, therefore, the court hereby commits to your lawful custody and care accused Alice Leal Guo, Rachelle Joan Malonzo Carreon, and Jamielyn Santos Cruz pursuant to OCA Circular No. 266-2023 dated 28 July 2023.”
(Kaya’t ngayon, ipinagkakatiwala ng korte sa inyong legal na kustodiya at pangangalaga ang mga akusadong sina Alice Leal Guo, Rachelle Joan Malonzo Carreon, at Jamielyn Santos Cruz alinsunod sa OCA Circular No. 266-2023 na may petsang 28 Hulyo 2023.)
Ayon kay BJMP spokesperson JSupt. Jayrex Joseph Bustinera, hinihintay na lamang nila ang pormal na kautusan para sa paglilipat.
“We are awaiting the court order for the transfer following the court resolution issued on Wednesday,” aniya.
(Hinihintay na lang namin ang utos ng korte para sa paglilipat kasunod ng resolusyong inilabas nitong Miyerkules.)
Binigyang-diin ng korte na hindi sapat ang pangamba ng kampo ni Guo hinggil sa kanyang seguridad upang pigilan ang paglilipat.
Ang kaso ay nag-ugat sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban na ipinasara ng pamahalaan matapos masangkot sa malawakang human trafficking.
(Larawan: Philippine News Agency)
