Sandro Marcos, handang humarap sa ICI sa gitna ng mga akusasyon ni Zaldy Co
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-27 16:41:54
NOBYEMBRE 27, 2025 — Handang humarap si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyektong pang-flood control at sa kontrobersyal na isyu ng budget insertions.
Sa isang liham na ipinadala kay ICI Chairperson Andres Reyes Jr., tiniyak ni Marcos ang kanyang buong kooperasyon.
“Let me state this clearly and without hesitation: I am willing to appear before the Commission at any time. I welcome the opportunity to shed light on any matter that may assist your review,” aniya.
(Hayaan ninyong ipahayag ko ito nang malinaw at walang pag-aalinlangan: handa akong humarap sa Komisyon anumang oras. Malugod kong tatanggapin ang pagkakataon na magbigay-linaw sa anumang bagay na makatutulong sa inyong pagsusuri.)
Dagdag pa niya, “I stand ready to cooperate, answer questions, and provide any clarification needed to move this investigation forward ... Please inform my office of the schedule you deem appropriate. You have my commitment that I will be there.”
(Nakahanda akong makipagtulungan, sumagot sa mga tanong, at magbigay ng anumang paglilinaw na makapagpapausad sa imbestigasyon ... Paki abisuhan ang aking opisina sa schedule na inyong itatakda. Tinitiyak ko na makakapunta ako.)
Ayon naman kay ICI spokesperson Brian Hosaka, ikinukonsidera ng komisyon ang boluntaryong pagharap ni Marcos.
“We take note of his willingness to appear voluntarily before the commission, and we will wait for the commission to eventually set the date on when he will be coming,” aniya.
(Tinatanggap namin ang kanyang kahandaang humarap nang kusa sa komisyon, at hihintayin naming itakda ng komisyon ang petsa ng kanyang pagdalo.)
Sinabi rin ni Hosaka na malamang ay i-livestream ang pagdinig maliban na lang kung may hiling na executive session.
Matatandaang binanatan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co si Marcos at ang Pangulo, na umano’y may kinalaman sa taunang insertions sa pambansang budget. Ayon kay Co, umabot sa P50 bilyon ang naipasok ni Marcos sa nakalipas na tatlong taon sa yugto ng bicameral conference committee.
Mariing itinanggi ni Marcos ang mga akusasyon at tinawag itong bahagi ng destabilization plot. Binanggit din niya na may intelligence report na nagsasabing nakipagkasundo na si Co sa mga grupong makikinabang sa anumang pagbabago sa kapangyarihan.
(Larawan: Sandro Marcos | Facebook)
