Padilla, igniiit na haka-haka lang ang di umano'y wiretapping claims kaugnay si Castro
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-28 21:13:43
NOBYEMBRE 28, 2025 — Sa gitna ng mainit na talakayan sa Senado hinggil sa panukalang budget ng Presidential Communications Office (PCO) para sa 2026, muling binigyang-diin ng kampo ni Senador Robin Padilla na walang batayan ang mga paratang laban sa kanya kaugnay ng umano’y paglabag sa Anti-Wiretapping Law.
Ayon kay Atty. Rudolf Philip Jurado, hepe ng staff ni Padilla, hindi pa napatutunayan ang anumang detalye kaugnay ng audio clip na ipinalabas ng senador sa plenaryo.
“The authenticity of the recording, the identities of the persons allegedly involved, and the manner by which the audio was obtained have not been established through any formal investigation,” pahayag ni Jurado.
(Hindi pa napatutunayan ang pagiging totoo ng recording, ang pagkakakilanlan ng mga taong sangkot, at ang paraan ng pagkuha ng audio sa pamamagitan ng pormal na imbestigasyon.)
Dagdag pa niya, “In the absence of verified facts, there is no reasonable basis to conclude that the audio constitutes an ‘intercepted communication’ within the meaning of the Anti-Wiretapping Law.”
(Kung walang beripikadong ebidensya, walang makatuwirang batayan para sabihing ang audio ay isang ‘intercepted communication’ sa ilalim ng Anti-Wiretapping Law.)
Binanggit din ni Jurado na ang mga mambabatas ay may parliamentary immunity, partikular ang Privilege of Speech and Debate, na nagbibigay sa kanila ng kalayaan na magsalita at magpasa ng batas nang walang pangamba sa posibleng kaso o paghihiganti.
Ang pahayag ay kasunod ng babala ni Atty. Barry Gutierrez na maaaring managot si Padilla sa paglalabas ng audio nang walang pahintulot, bagay na posibleng magbunga ng kasong kriminal at hiwalay na reklamo sa ethics committee.
Matatandaan na sa naturang sesyon, tinanong ni Padilla kung ang tinig sa audio ay kay Palace Press Officer Claire Castro. Agad namang nagbigay ng paalala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mag-ingat sa pagbabanggit ng pangalan nang walang katiyakan. Iminungkahi niyang ipasuri ang clip sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa voice-print analysis.
Sa ngayon, nananatiling bukas ang usapin, ngunit iginiit ng kampo ni Padilla na ang lahat ng akusasyon ay pawang haka-haka lamang hangga’t walang malinaw na imbestigasyon.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
