Diskurso PH
Translate the website into your language:

82-anyos na lalaki, pinutulan ng dila habang natutulog sa Zamboanga Del Sur

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-29 00:12:38 82-anyos na lalaki, pinutulan ng dila habang natutulog sa Zamboanga Del Sur

TUKURAN, Zamboanga del Sur — Nauwi sa matinding takot at pangamba ang tahimik na gabi ng isang pamilya matapos umanong putulan ng dila ang isang 82-anyos na lalaki habang ito’y mahimbing na natutulog sa kanilang bahay sa Purok Talisay, Barangay Militar.

Kinilala ang biktimang si Rogelio Chavez, 82 anyos, na ngayon ay patuloy na ginagamot sa ospital matapos magtamo ng matinding sugat. Ang itinuturong suspek ay nakilala lamang sa alyas na “Kimkim,” isang residente ng Purok Malinawon at sinasabing may problema sa pag-iisip.

Ayon sa anak ng biktima na si Virgil Chavez, normal na natulog ang kanyang ama noong gabi ng Nobyembre 24, 2025. Bandang alas-3 ng madaling-araw ay nagising pa siya at nakita ang ama na mahimbing pang natutulog. Ngunit pagsapit ng alas-4:20, tumambad sa kanya ang nakagigimbal na eksena—nakahandusay sa sahig ang ama, dumudugo, at wala na ang dila.

Kwento pa ni Virgil, bandang alas-5:00 ng umaga ay lumapit pa raw ang suspek at nagsalitang “tiwason niya og gulgol” ang dila ng matanda dahil hindi pa raw niya “natatapos.” Agad itong sinubukang pigilan ng anak, at nagkaroon pa sila ng 10 minutong habulan at agawan sa sundang na hawak ng suspek.

Matapos ma-disarmahan, agad na isinuko ni Virgil ang sandata sa pulisya. Dinala naman sa ospital ang biktima para sumailalim sa agarang operasyon sa dila.

Ayon sa pamilya, nagkaroon na ng kasunduan sa barangay ang magkabilang panig, at pumirma ang pamilya ng suspek na sila ang sasagot sa lahat ng gastusin para sa pagpapagamot ng matanda.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente, habang nanawagan ang mga residente para sa mas mahigpit na pagmonitor sa mga indibidwal na may problema sa pag-iisip upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap. (Larawan: Facebook)