Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bayani sa baha tinanggal sa trabaho, DOLE paparangalan ang rescuer driver sa Cebu

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-29 09:35:58 Bayani sa baha tinanggal sa trabaho, DOLE paparangalan ang rescuer driver sa Cebu

CEBU CITY — Pararangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 7 ang isang wing van driver na sinibak sa trabaho matapos gamitin ang sasakyan ng kumpanya upang iligtas ang anim na katao na inanod ng baha sa Barangay Cotcot, Liloan, Cebu noong kasagsagan ng bagyong Tino nitong Nobyembre 4.

Kinilala ang driver na si Francis Anthony Narvasa mula Villaba, Leyte. Kasama ang dalawang pahinante, isinugal ni Narvasa ang kanyang buhay upang sagipin ang mga residente na tinangay ng rumaragasang tubig. 

Ayon sa ulat, isang pulis ang humiling ng tulong kay Narvasa upang mailigtas ang mga biktima. “He put his life at stake, along with two assistants, to rescue at least six individuals swept away by raging floodwater,” ayon sa pahayag ng DOLE.

Gayunman, matapos ang insidente, tinanggal siya sa trabaho ng may-ari ng wing van dahil sa paggamit ng sasakyan nang walang pahintulot. “There are no grounds for the dismissal of the driver,” giit ng DOLE 7, na nagsabing magsasagawa sila ng imbestigasyon laban sa employer.

Nag-viral ang video ng pagsagip ni Narvasa sa social media at umani ng papuri mula sa publiko. Kinilala rin siya ng Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7) bilang isa sa mga bayani ng kalamidad.

Ayon kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, nag-alok na siya ng trabaho kay Narvasa sa Cebu Provincial Capitol bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan. “We will make sure that his courage and selflessness will not go unnoticed,” dagdag ng gobernador.

Inihayag ng DOLE na bibigyan si Narvasa ng parangal sa kanilang anibersaryo sa Disyembre. Bukod dito, tiniyak ng ahensya na ipaglalaban nila ang karapatan ng driver laban sa umano’y unjust dismissal.

Ang insidente ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng kabayanihan ng mga ordinaryong manggagawa sa panahon ng kalamidad, at sa pangangailangan ng mas mahigpit na proteksiyon sa kanilang karapatan sa trabaho.

Larawan mula Boy Maxoy