Diskurso PH
Translate the website into your language:

Libu-libo, nag-martsa sa Edsa laban sa korapsyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-30 17:13:58 Libu-libo, nag-martsa sa Edsa laban sa korapsyon

NOBYEMBRE 30, 2025 — Nagtipon ang iba’t ibang grupo ng mamamayan sa People Power Monument sa EDSA nitong Linggo, Nobyembre 30, para sa ikalawang Trillion Peso March — isang kilos-protesta na layong ipanawagan ang pananagutan ng pamahalaan sa umano’y katiwalian sa mga proyektong pangkontrol ng baha.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), umabot sa mahigit 5,000 ang dumalo bago magtanghali, habang patuloy pang dumarating ang mga tao sa lugar. Pagsapit ng hapon, tinatayang nasa 4,000 pa rin ang nanatili sa programa.

Kasama sa mga lumahok ang Akbayan Partylist, Partido Manggagawa, August Atom Movement, Liberal Youth, at Couples for Christ. Naging makabuluhan ang pagtitipon nang magsagawa ng misa si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Bishop Pablo Cardinal David, na nagbigay ng mas seryosong tono sa protesta.

Hindi rin nagpahuli ang ilang personalidad sa pagtindig laban sa katiwalian. Dumalo sina Senador Kiko Pangilinan, Senador Bam Aquino, Akbayan Representative Chel Diokno, at Miss Universe 2018 Catriona Gray. 

Sa kanyang pahayag sa social media, binigyang-diin ni Pangilinan: “Tangan ang diwa ng Katipunan, punitin natin ang sedula ng korapsyon. Kailangang manindigan, kumilos, lumabas dahil ang pinakamainam na pangsangga sa pang-aabuso ay ang taumbayang nananagawan, naninindigan, kumikilos.” 

Sa gitna ng programa, binasa ni Akbayan President Rafaela David ang Unity Statement ng Trillion Peso March. Ipinanawagan niya ang pagbabalik sa pangarap ni Andres Bonifacio ng isang pamahalaang tunay na pinamumunuan ng bayan. 

“Pinangarap ni Bonifacio na magtatag ng isang haring bayan, isang malayang pamahalaan na ang mamamahala ay bayan sa bayan at hindi ang isa o dalawang taong lamang,” wika niya.

Dagdag pa ni David, panahon na upang gisingin ang diwa ng kabayanihan at tapusin ang pamamayani ng iilang pamilya sa gobyerno. 

“Kaya ang aming imbitasyon sa bawat Pilipinong nandito na tumitindig, gisingin natin ang diwa ng kabayanihan at tuldukan ang korapsyon, tuldukan ang pag hari-harian ng iilang pamilya sa ating pamahalaan,” pahayag pa niya.

Bukod sa panawagan laban sa political dynasties, iginiit din ni David ang pagpasa ng mga reporma:

  • Anti-Dynasty Bill upang wakasan ang pamumuno bilang “family business.”
  • Pag-amyenda sa partylist system na ginagamit umano ng mga pamilya para iwasan ang term limits.
  • Pagbuo ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption para sa mas matibay na imbestigasyon.
  • Pagpasa ng Freedom of Information Bill at iba pang batas para sa transparency.

Ayon sa mga organizer, layunin ng Trillion Peso March na ipakita ang lumalalang korapsyon sa pamahalaan, partikular sa mga proyektong pangbaha. 

Sa kabila ng init ng araw at mahabang oras ng pagtitipon, nanatiling matatag ang mga dumalo sa panawagang wakasan ang katiwalian at igiit ang pamahalaang tapat sa taumbayan.



(Larawan: YouTube)