Palasyo, nanawagan ng pasensya sa imbestigasyon sa flood control scandal
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-30 15:36:38
NOBYEMBRE 30, 2025 — Sa gitna ng patuloy na galit ng publiko hinggil sa maanomalyang proyekto sa flood control, nanawagan ang Malacañang ng mas mahabang pasensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot.
Ayon kay Press Officer Usec. Claire Castro, hindi maaaring madaliin ang proseso dahil nakasalalay ito sa ebidensya at masusing pagsusuri ng mga ahensya ng gobyerno.
“Meron kasing pagkakataon na kailangan pa ng ebidensya. So yung nasampahan ng kaso, it means, sa mata ng Ombudsman, kumpleto na ito kaya isinampa na ito, kaya nirekemonda na isampa na ito sa Sandiganbayan. And after that, Sandiganbayan naman, sila ang nag-issue ng warrant of arrest,” pahayag ni Castro sa isang panayam.
Dagdag pa niya, “So may mga pending pang preliminary investigations sa Ombudsman, sa DOJ. Sana maunawaan ng kababayan natin, ang pag-aanalisa ng isang kaso ay hindi nadadaan sa isang tulugan …Aaralin po ‘yan, ayun po ang tinatawag natin na due process.”
Binanggit ni Castro na sa loob ng halos apat na buwan, nakapagsampa na ng mga kaso ang Bureau of Internal Revenue (BIR), na-freeze ang ilang ari-arian, na-auction ang mga sasakyan, at nakapaglabas ng mga warrant of arrest. Giit niya, mas mabilis ang aksyon ng kasalukuyang administrasyon kumpara sa nakaraang anim na taon na walang malakihang imbestigasyon sa parehong isyu.
Sa tanong kung nararamdaman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang banta mula sa mga kilos-protesta na nananawagan ng kanyang pagbibitiw, sinabi ni Castro, “Hindi ko kasi nakitaan ang Pangulo na felt threatened siya, but sabi nga natin, pero sabi naman niya hindi siya magpapakampante kasi nakikita rin naman niya maraming kababayan natin na hindi na maganda ang pakiramdam sa nangyayari sa korapsyon.”
Dagdag pa niya, patuloy na mino-monitor ng Pangulo ang mga kilos-protesta mula sa Malacañang at iginagalang ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag.
“Kahit nga ang Pangulo, sinabi niya na kung hindi siya Presidente malamang nandiyan din siya sa labas at sumisigaw ng katarungan para sa pondo ng bayan,” ani Castro.
(Larawan: Presidential Communications Office)
