1-2 bagyo, inaasahang papasok sa PAR ngayong Disyembre ayon sa PAGASA
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-01 22:48:13
MANILA, Philippines — Inaasahan ng PAGASA na posibleng may isa hanggang dalawang bagyo pa ang mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bago matapos ang taong 2025. Bagama’t papalapit na ang pagtatapos ng taon, nananatili pa rin ang posibilidad ng mga huling bugso ng sama ng panahon ngayong buwan ng Disyembre.
Ayon sa ahensya, karaniwang tinatahak ng mga bagyo sa panahong ito ang direksyong tumatawid sa Southern Luzon, Visayas, at Northern Mindanao. Gayunpaman, nananatiling posible rin na ang mga ito ay lumihis o mag-recurve papalayo sa kalupaan—isang pattern na madalas na nangyayari kapag malamig na ang northeast monsoon o amihan.
Nasa standby na rin ang mga lokal na pamahalaan at disaster response units upang paghandaan ang anumang posibleng epekto ng mga paparating na weather disturbances, lalo na ang mga lugar na madalas nakararanas ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, inihayag ng PAGASA na ang susunod na pangalang gagamitin para sa anumang mabubuong bagyo ay Wilma.
Pinayuhan ang publiko na patuloy na mag-monitor ng mga ulat-panahon at maging handa, lalo na ngayong holiday season kung kailan maraming biyahe at aktibidad sa buong bansa. (Larawan: Wikipedia)
