Diskurso PH
Translate the website into your language:

COA, sinita ang OVP dahil sa naantalang liquidation ng livelihood aid funds

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-01 20:27:44 COA, sinita ang OVP dahil sa naantalang liquidation ng livelihood aid funds

DISYEMBRE 1, 2025 — Binatikos ng Commission on Audit (COA) ang Office of the Vice President (OVP) dahil sa mabagal na pagli-liquidate ng mga pondong inilaan para sa programang pangkabuhayan na Mag Negosyo Ta ‘Day (MTD). Sa ulat ng COA para sa taong 2024, lumabas na hindi nasunod ang itinakdang panahon ng pagsusumite ng mga ulat sa paggamit ng pondo ng ilang benepisyaryo.

Ayon sa tala, 31 indibidwal at 11 non-government organizations (NGOs) o civil society organizations (CSOs) ang nakatanggap ng tulong pinansyal. Ang bawat indibidwal ay tumanggap ng ₱15,000 habang ang bawat organisasyon ay nakakuha ng ₱150,000. Umabot sa ₱465,000 ang kabuuang halaga para sa mga indibidwal at ₱1.65 milyon para sa mga grupo.

Batay sa regulasyon ng MTD, dapat gamitin ang kapital sa loob ng 60 araw at magsumite ng detalyadong ulat na may resibo. Ngunit natuklasan ng COA na ang ilang ulat ay naantala nang mula dalawang araw hanggang 154 na araw.

Sa kanilang obserbasyon, sinabi ng COA, “While it is worthy to mention that the OVP has implemented a control in tracking the individual beneficiaries’ utilization and liquidation of the financial assistance, there were no written actions to be taken or penalty to be imposed in case of non-submission of the prescribed reports and non-liquidation of financial assistance by the beneficiaries.” 

(Bagama’t dapat kilalanin na may kontrol ang OVP sa pagsubaybay ng paggamit at liquidation ng tulong pinansyal, wala namang nakasulat na aksyon o parusa sakaling hindi makapagsumite ng ulat o hindi makapag-liquidate ang mga benepisyaryo.)

Bilang tugon, ipinaliwanag ng OVP na binago na ng Special Projects Division ang form ng aplikasyon upang malinaw na nakasaad ang pananagutan ng mga tatanggap at ang posibleng kaparusahan. 

Dagdag pa ng COA: “Management commented that the OVP is currently revising the MTD Manual of Operations to consider provisions addressing the liquidation requirements and sanctions and penalties to be imposed in case of non-compliance and late submissions by the beneficiaries.” 

(Ipinahayag ng pamunuan na kasalukuyang nire-rebisa ng OVP ang MTD Manual of Operations upang isama ang mga probisyon sa liquidation requirements at mga parusa para sa hindi pagsunod at huling pagsusumite ng ulat.)

Hanggang Mayo 7, 2025, iniulat ng COA na 14 sa 31 grant ang ganap nang na-liquidate, 11 ang ibinalik para sa karagdagang pagsunod, at anim ang nananatiling hindi pa na-liquidate.



(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)