Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dating Pangulong Duterte, posibleng sa loob mismo ng ICC Detention Facility sa The Hague magpapasko ayon kay Atty. Conti

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-01 23:05:16 Dating Pangulong Duterte, posibleng sa loob mismo ng ICC Detention Facility sa The Hague magpapasko ayon kay Atty. Conti

MANILA, Philippines — Posibleng sa loob mismo ng International Criminal Court (ICC) Detention Facility sa The Hague, Netherlands magdiwang ng Pasko si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti.

Sa panayam sa programang “Ted Failon and DJ Chacha” nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi ni Conti na mananatili muna si Duterte sa kustodiya ng ICC habang hinihintay ang desisyon kung siya ay “fit to stand trial” para sa mga kasong may kinalaman sa umano’y malawakang paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng kanyang kampanya kontra droga.

Ayon sa abogada, hindi pa agad maglalabas ng resolusyon ang ICC bago matapos ang taon. Ito ay dahil nakatakda ang pagsusumite ng ulat ng mga medical expert sa Disyembre 5, habang ang pagsusumite ng komento mula sa prosekusyon, depensa, at mga biktima ay sa Disyembre 12 — na siyang huling araw ng operasyon ng korte bago ang holiday break.

“Kaya lang, ‘yung December 12, last day of the court. Kaya kumbaga… maisa-submit lahat ng komento pero ‘yung checking… ultimo ‘yung decision ay baka po sa January na,” paliwanag ni Conti.

Dahil dito, malaki umano ang posibilidad na sa Enero 2026 pa matukoy ng ICC kung ang kalusugang pisikal at mental ni Duterte ay sapat upang humarap sa paglilitis. Tanging matapos ang naturang pagsusuri at deliberasyon malalaman kung itutuloy ng korte ang paglilitis o kung may kailangang ilabas na alternatibong hakbang.

Sa ngayon, nananatiling nasa ilalim ng mahigpit na pangangalaga ang dating pangulo habang nagpapatuloy ang proseso sa internasyonal na hukuman. Para sa mga tagasuporta at kritiko ni Duterte, ang susunod na buwan ay magiging mahalagang yugto sa pag-usad ng kaso na malapit nang umabot sa pormal na paglilitis.

Habang hinihintay ng publiko ang magiging desisyon, malinaw sa pahayag ni Conti na sa loob ng detention facility ng ICC muna mararanasan ng dating pangulo ang panahon ng kapaskuhan. (Larawan: House of Representatives / Facebook)